Nagbibigay galang ako sa iyo, iha (Buena Biala). Matuwid lang na magkomento ka sa inilathala ko tungkol sa MPC na naging Philippine Australian Community Centre (PACC). Wala akong inis o galit sa inyo, lalo na sa Daddy mo. Nataon lang na siya ang nagpasimuno ng Grand Charity Concert fund raising para sa PACC/PACF.
Ang punto ko lamang ay ganito at ito ay patungkol sa mga namahala at nagdesisyon na ibenta ang lupa sa Rooty Hill at bumili ng kapalit sa halaga na mas higit pa sa pinagbilhan sa Rooty Hill property. May nagsasabi o nagtatanong na nag-upgrade nga ba sila?
Mukhang hindi tama ang mag-upgrade sa mga fund raising project na tulad nito lalu na’t magsisimula na naman sa ZERO. Bagong episode na naman ito. Ibig sabihin walang tigil na fund raising na naman para lang mabayaran ang inutang sa pinang-abonong pera sa biniling lupa sa Schofields.
Dios Mio! Ilang TAONG paghihintay na naman para lang maumpisahan ang proyekto na may kalabuan din dahil biglang nawala ang MPC. Ano na ngayon ang mangyayari, sa mga senior citizens na sumoporta? Baka sila nasa kabilang buhay na at di man lang masilayan ang simula ng pagtatayo sa proyektong ito.
Ang ideya ng MPC ay napakasimple lang. Kung ito na ang inu-umpisahan gawin ngayon, palagay ko ay mas magiging magaan ang pasanin ng PACC/PACF sa pag fund raising!
Iha, kahit DUWAG pa o kung ano man ang itawag mo sa akin ay wala akong PAKI! Hindi kaya mas duwag ang mga nangangasiwa sa MPC o PACC nang hindi sila sumipot sa Ugnayan noon Marso 4? Inimbita sila ng Philippine Community Council na dumalo. Wala ni isa sa kanila ang dumating. Bakit? Takot ba silang humarap sa mga taong nagtiwala sa kanila at nag-donate ng malaking halaga para sa MPC na hindi nila natupad sa loob ng mahigit dalawampung taon?
At kung may threat kayo sa akin na idemanda ako ay gawin ninyo. Walang defamatory sa laban sa inyo na sinabi ko. Wala akong ibabayad sa abogado pero may pro-bono rin naman dito. At kung matalo ako, wala rin akong ibabayad sa inyo dahil mahirap lang ako. Meron din pala. Baka puede kahit yung cojones ko. He! He! He!
Mayroon naman tayo dito sa Australia ng tinatawag na Freedom of Speech at Freedom of the Press. Malayang pamamahayag!
At mayroon akong maibabahagi sa inyo: Magpalit ng administrasyon. Puede rin ang Daddy mo na mamuno. Ibenta ang portion ng Schofields at ang pinagbilhan ay ibayad sa lahat ng utang.
Ibalik ang ideya ng MPC at para maumpisahan agad. Maraming tao ang tutulong iha, baka pati ako at ang pamunuan ng Philippine Sentinel. Kaya nga lang, mataas daw ang baha sa lugar na iyon. Lampas tao, sabi ng Blacktown Council. Baka madamay pati ang daddy mo.
Hindi na kailangan ang sampung Daddy mo, at magiging magaan na ang fund raising dahil mura na lang ang ibebentang tiket sa mga Grand Charity Concert. Hindi na rin kailangan ang apat na entertainers sa isang concert, isa lang puede na at lokal na lang yung iba.
Ito naman ay opinyon ko lang. SAKA NA AKO LALANTAD.
Ang inyo pong lingkod. Boy Galang, nagbibigay galang.