THOUGHT APHRODISIAC by Boy Galang

Magkano ba talaga ang utang ng MPC?

Nagbibigay-galang po ako sa lahat ng mga mambabasa o bumabasa ng Philippine Sentinel.

Humihingi po ako ng paumanhin sa lahat ng mga nakabasa ng mga naunang paglalathala ng inyong linkod dito sa Philippine Sentinel. Ito po ay tungkol sa hindi tamang halaga ng utang ng Philippine Australian Community Foundation (PACF) na naibunyag ko sa mga una kung pahayag.

Hindi pala ito kulang-kulang na kalahating milyon dolyares, kundi higit pa pala sa Pitong Daan Libong Dolyares. Dios Santa Maria!

Bakit at paano nagkaganito?

Tama naman ang mga nagsasabi na ang tunay na may-ari ng MPC ay ang Filipino Community, at karapat-dapat lamang na ang isang tulad ko ay magbunganga sa mga katiwaliang pinag-gagawa ng mga namumuno nito na kung tawagin ay MPC Board.

Bakit ba kung anu-ano ang tawag nila sa MPC? Kesyo Philippine Australian Cultural Center (PACC) o kaya Philippine Australian Community Foundation (PACF)? Para bang sadyang nililito nila ang mga tao para lamang makalikom sila ng pondo upang mabayaran ang kanilang utang.

At paki-usap lang sa PACC/PACF na ilathala sa lahat ng mga pahayagang lokal dito sa New South Wales ang tamang halaga ng “UTANG, at ng mga PINAG-KAKAUTANGAN” at kung papaano ito binabayaran. At kung saan kukunin ang buwanang bayad o taunang bayad kaya.

Dalawa sa napabalitang personalidad na pinagkautangan o nagpautang ay si Ginoong Mansueto Villon ng halagang $200,000. at si Ginoong Moises Del Mundo ng $100,000. Ang katanungan na sa isip ko ay kung bakit sila nagpautang ng ganitong halaga na para lang bilhin ang Schofields area. May mina ba ng ginto dito?

Dili kaya ito ang kanilang shares of stocks kung tawagin sa Ingles? Anong benepisyo ang kanilang ina-asahan dito?

Mabuti sana kung ito ay donasyon na lang na ibinigay nila para sa na- antalang MPC project.

Paano sila binabayaran? Magkano ang interes na kanilang sinisingil? Kada linggo kaya, buwan o kada taon? Paano sila nagbabayad sa mga personalidad na kanilang inutangan?

Maraming katanungan. At dadami pa ang mga magtatanong.

CEO [Luz Tiqui] huwag ka nang patawag na CEO, o Chief Executive Officer. Hindi nararapat!

Updated: 2012-05-02 — 06:04:13