Palpak na proyekto ang MPC by Boy Galang

Ang Philippine Community Council-NSW pala ay napagkalooban ng puwesto sa Board ng MPC/PACC/PACF, nuong kapanahunan ng isang dakilang Consul General ng Pilipinas dito sa Australia. Siya po ay si Gng. Zeneida Collinson. Sa pamamagitan ng Hot Dog Concert at iba pang proyekto, siya ay nakapangilak ng mahigit AUD30,000 na inabuloy sa MPC, at siyang naging daan para mabigyan ng puwesto ang PCC-NSW sa Board ng nasabing proyekto.

Kaya naman pala ganoon na lang karubdob ang PCC-NSW sa kanilang hangarin na makialam sa isyu ng pagka-antala ng MPC project. At ang kanilang hangarin na mapalitan ang mga kasalukuyang “PALPAK” na pamunuan ng MPC.

Ang tanong ko lang naman ay ganito! Nasaan ang PCC-NSW nuong kasagsagan nang “Bentahan ng MPC Rooty Hill at nang Bilihan ng Schofields Area”?

Nasaan sila? Nasaan na nga ba? Tsk! tsk! tsk!

Ang nakapagtataka, mukhang nagkaroon ng pagtatakip sa kanilang mga mata. O baka kaya talagang sinadya na huwag ipaalam sa kanila ang mga pangyayari. May nakapagbulong sa akin na ang nagdesisyong sa pagbenta ng Rooty Hill property at pagbili ng lupa sa Schofields ay dadalawang tao lamang: sina Luz Tiqui at si Manny Villon lamang. Baka naman ito ay haka-haka lamang. Pero bakit hindi sila umi-imik kung hindi ito totoo?

Sa punto ng bentahan ng orihinal na MPC site sa Rooty Hill ay di gaanong mahalagang isyu para sa akin. Ito naman ay sa pananaw ko lang.

Pero ang “bilihan sa Schofield Area” na maging kapalit ng MPC Rooty Hill ang hindi ko talagang maipagwalang “KIBO”.

Ito ang kasukdu-sukdulang pagkakamali na nagawa ng pamunuan ng MPC/PACC/PACF.

Binili ang lugar na ito sa Schofields na labis sa halaga ng pinagbilhan sa MPC Rooty Hill. At humihingi sila ngayon ng tulong sa kapwa Pilipino natin para mabayaran ang kaukulang inutang na umaabot na sa mahigit $700,000.00.

Gumawa sila ng utang sa pangalan ng proyekto na patuloy na pumapalpak! Humihingi sila ng tulong sa mga kapwa natin para mabayaran ang kanilang inutang. Tila gusto nila na lahat ng Pinoy ay maging pekeng bayani na tulad nila.

“KAYO NA LANG!” ITO ANG SABI NG MGA NAKAPAG-ABULOY NA SA MPC ROOTY HILL. DUMATING NA ANG ARAW. PANAHON NA. PALITAN NA ANG PAMUNUAN NG MPC/PACC/PACF!

Updated: 2012-08-04 — 06:55:22