May sinyales na naman na nagbabadya na ang proyektong “Multi-Purpose Centre” (MPC) ay tuluyan ng maglalaho na parang bula. Mayroong isang “Ginang” na pumapapel para muling gawin sakahan o kaya taniman ng gulay ang MPC Schofields area.
Naguguluhan kami! Saan na naroon ang mga dakilang “bisionaryo” ng orihinal na grupong MPC?
Simple lang at napakaganda ng kanilang “vision” noon — ang makapagtayo ng isang simpleng gusali doon sa nabiling lugar sa Rooty Hill.
Sabi nga nila na ito ay para sa mga Pilipino daw na nakatira dito sa mga karatig-lugar ng “Sydney West” at tinagurian pa nga nila ito na “Multi- Purpose Centre.”
Ang panukalang “MPC” project ay napakasimple lang, kaya nga ito ay madaling naibenta sa mga Pinoy. Tulong- tulong ang lahat sa pangi-ngilak ng donasyon para sa proyektong ito. Maraming sumakay at umangkas.
Marami rin ang nagbigay ng donasyon hanggang makalikom sila ng mahigit isang milyong dolyares. Pero saan napunta ang salapi? Nauwi lang na pambayad sa interes ng kanilang mga inutang!
At isa pang bagay, tsk.tsk.tsk, sa tinagal-tagal ng mga pangyayari, biglang nagkaindulto. Hindi yata na asikasong mabuti ng pamunuan at inabutan ng rezoning ang area. Yun ang masaklap na naganap. Di na puedeng tayuan para maging Centre.
Nailipat na nga sa Schofields at nag-iba na ang “mission” ng mga dakilang “bisionaryo” at ginawa ng Philippine Australian Cultural Centre na dahil nga sa mas naging malaki ang lugar.
Mula sa maliit ay lumaki. Lumaki ang alin? Maaring ang problema lumaki— ang problema ng pamunuan.
Sa palagay ko lang , litong-lito na ang mga namumuno at hindi na yata nila alam ang gagawin.
Pati itong “panukala” ni Ginang na pumapapel na gawing sakahan at taniman ng gulay ang Schofields area ay papatulan yata ng pamunuan.
Kung sabagay, dati namang gulayan ang lugar na ito. Balita pa na naghahanap sila ng mga “volunteers” na magtatanim at mag-aalaga sa lupa at mga pananim.
Makalulutas ba sa problema nilang “pinansyal” ang gawing muling sakahan at taniman ang lugar sa Schofields — from “cultural to horticultural”?
Paano na lang ang “mission” ni ginoong [Reming] Biala na makapagtayo ng isang malaking GRANDSTAND? Mai-itsapuwera na lang ba? Ito namang ating “Ginang” ay gusto lamang mag-grandstand siguro.
Biglang nawala ang MPC! Biglang naglaho na parang bula — KAGAYA SIGURO NG MGA UTAK NG PAMUNUAN!