There’s no transparency in MPC

Malapit na pong lumantad si Boy Galang. May nasagap akong balita na magbibitiw na sina Ginoong Manny Villon at Luz Tiqui sa MPC. Sana tutoo ang balita para maalis ko na ang sagabal na maskara.

Sa taong nagdaan, naihayag at nailarawan ko sa inyo kung ano sa palagay ko ang tunay na mga pangyayaring nasa likod ng mahabang pagkaka-antala ng” MPC project”.

Ang mga naganap sa aking palagay, at kuro-kuro lang na malapit na malapit sa tunay na mga pangyayari.

At di ko masisisi na mag-alinlangan ang maraming pinoy na nagbigay ng donasyon  na may kapalpakan nga sa pamamahala ng pamunuan ng MPC na naging Philippine Australian Cultural Centre.

Marami silang pagkukulang NOON at hangga ngayon!

Gaya halimbawa na hindi sila naging matapat sa mga pinoy na tumulong sa malawakang kampanya ng pangingilak ng pera, para maging pondo nang nasabing proyekto..

Walang transparency wika nga nila, mistulang naging sikreto ang lahat. Wala man lang masabi tungkol sa estadong pinansyal ng naturang proyekto. Ang mga nagbigay ng donasyon ay walang kaalaman kung magkano ang perang nasa kaban. Wala man lang listahan nang malalaking kontributor kung magkano ang binigay,  at kung magkano ang mga grants o tulong na galing sa gobyerno.

Magkano ang inutang, magkano ang buwanang gastos, sino ang mga pinagkakautangan. Magkano ang lumalabas na pera at magkano ang pumapasok.

Bakit inabot ng rezoning ang lugar? Bakit pinagpasiyahan na ibenta ang MPC Rooty Hill na walang kunsultasyon man lang sa mga pinoy kontributor? Bakit bumili nang kapalit na lugar na halos doble ang halaga kaysa sa nakuha sa pagkakabenta ng MPC Rooty Hill na tila bargain sale. At ang masakit ay hindi pa raw final ang bentahan. Nagkumahog, nagkandataranta nang bilhin ang lugar na nilipatan sa Schofields.

Schofields — ito raw ang lugar ng pangarap.

At sabi nga ni ginoong Villon don’t give up the “dreams.” Sabi naman ng marami:  “give-up” na kami sa  “in your dreams, the impossible dream.”

Multi-Purpose Centre na biglang naging “Multi-Purpose Field of Dreams.”

May nagmungkahing tamnan muna  ng gulay, galing ito kay ginang Emma de Vera na may berdeng rebolusyonaryong kaisipan.

Ang nakapagtataka, bakit bigla niyang nahikayat ang magagaling na trustee at CEO na sumakay sa ideya niya.

Nadaan ako isang araw sa lugar at nakita kong tuyot na tuyot ang lupa, na tila  uhaw na uhaw sa tubig. Mukhang patay na ang mga pananim. Tag-init — kailangan ang malakas na patubig. Kailangan ang propesyonal na sasaka ng lupa.  Magbebenta ng gulay,  at ibibenta na rin daw ang kalahati ng lugar sa Schofields area.

Pero may nasagap akong balita na umaatras na yung buyer. May kondisyon siya bago niya bilhin yung kalahating lugar,  na bayaran muna ng pamunuan ng MPC/PACC/ PACF yung mga pinagkakautangan nila.

Pambihirang kondisyon ano po? Kung may pera silang pambayad ng utang, ba’t pa nila ito ibebenta?

PANIBAGONG DRAMA SA BAGONG TAON! – Boy Galang

Updated: 2013-02-03 — 09:30:54