Magandang araw po sa mga mambabasa ng Philippine Sentinel at sa mga taga subaybay ng ‘column’ ng inyong abang lingkod.
Mahaba-haba rin ang panahon ng pananahimik ko. Gusto ko na talagang tumahimik, pero di makaya ng aking dibdib na isantabi na lamang ang mga pangyayari.
Pero talagang walang nangyayari sa MPC
Dios Mio! Napakahirap talaga na isantabi na lang ang mga pangyayari na wala namang nangyayari. Hindi ko naman mapuntahan palagi dahil nga napakalayo [ng Schofields].
Ginang Luz Tiqui at Ginoong Manny Villon, makalabit kayo na hindi naman bingi. Magsi-Silver Anniversary na ang MPC Project ninyo. Multi-Purpose Center, Philippine Australian Cultural Center, Philippine Australian Community Foundation, tinatawag ko ang pansin ninyo.
Huwag na kayong magbingi-bingihan at magbulag-bulagan! Malapit nang magdalawampu’t limang taon ang proyekto ninyong MPC.
Sumakabilang buhay na yung ibang mga SENIORS na nagsipag-abuloy para sa proyektong ito. Wala ni isa mang konkretong bagay na naipakita sa kanila, maliban siyempre sa lugar sa Schofields at sa lumang bahay na nakatayo dito, na noong bilhin at lipatan ay katakot-takot na babala ang ipinaalam sa inyo na hindi ito maaring pagtayuan ng inprastraktura dahil nga ang lugar na ito ay “Flood Prone Area.”
Baka mabuhay muli itong mga sumakabilang-buhay na mga donors pag nalaman nila na ang utang na dapat bayaran para lubusang mapasakamay ng MPC na inilipat sa Schofields ay kulang sa Walong Daang Libong Dolyares ($800,000).
Dios Mio! Puwede kayang mag-fund raising sa Langit? JOKE Lang.
Ipina-aabot ko sa kapwa ko Pinoy na nag-abuloy sa proyektong ito na, nagpadala na ng sulat ang City Council sa MPC,PACC/PACF, at sa PCC kamakailan lang o noong nakaraang taon. Ayon sa sulat ay hindi puwedeng magtayo ng Inprastraktura sa naturang lugar sa Schofields.
Ang masaklap ay ang kulang na kaalaman ng mga namumuno sa MPC tungkol sa mga indulto at aberya na maaring mangyari na tulad nito.
BAKIT? Bakit nagmadali at nagkumahog sina Ginang Luz Tiqui at Ginoong Manny Villon na bilhin at lipatan na ang Schofields area, gayung wala pang pinal na bentahan at bilihan ng MPC Rooty Hill?
Sino ang magagaling na sales agent, solicitors, at advisers na may pakana nito?
Pinagwalang-bahala nila ang lahat nang mga donors, at hanggang sa mga panahong ito ay hindi nila ipina-alam sa publiko ang tunay na mga nangyayari tungkol sa proyektong ito.
Betrayal of Public Trust
Ipinagkanulo nila ang mga taong nagsipag-abuloy na tulad ko sa proyektong ito! Green House Revolution daw! Ano na ang resulta? Noong nakaraang “heavy downpour,” nabalitaan ko na nagbaha na sa daraanan papunta dito. Di ko alam kung gaano ito katotoo. Pero noon pa yatang nakaraang tag-init ay namatay na lahat ang mga halamang itinanim ni Ginang Emma de Vera.
May malaking pagtitipon at handaan kaya na magaganap sa Silver Anniversary ng MPC? Baka sakaling maimbita ako pero malabo yatang mangyari iyon dahil hindi naman ako titigil sa pagbatikos kina Luz at Manong Manny hangga’t hindi sila bumibitiw sa puwesto. ###