Multi-Purpose Centre in Schofields

Nabalitaan ko kamakailan lang na ang Schofields MPC ay may Bonifacio Centre na at may isang silid na kung tawagin nila ay Romulo Room.

WOW! Fantastiko! Parang magik.

Ito yung isa sa pinakabagong kaganapan sa Schofields kung saan inilipat yung MPC project mula sa Rooty Hill.

Nauna na nga rito yung “Green Revolution” na inilunsad noong nakaraang taon. Palpak ang proyekto dahil natuyo lahat ng halaman.

May mga  balakin pa pala para pagdausan ng iba pang aktibidades.

Ang masasabi ko, kulang sa PASILIDADES ang lugar, unang-una na, isa lang ang matatawag na kubeta o toilet.

Napadaan kami isang araw doon sa lugar at inisip ko nga kung saang dako naroon ang Bonifacio Centre. Kung ako ang tatanungin, mas gusto kong makita na nakatirik yung rebulto ni Bonifacio doon sa lugar, kaysa sa rebulto ni Jose Riz

Tatlong toilet noon sa Rooty Hill kontra isa lang sa Schofields

At kung ako pa ulit ang tatanungin, mas maganda yung inprastraktura na naitayo na sa MPC Rooty Hill na kung saan may magandang kubeta sa gilid na nakabukod ang pambabae at panlalake na gawa pa sa stainless steel ang urinal at ang dumihan. At may isa pang kubeta rin sa loob, at ang tanda ko, maging yung pintuan patungo sa loob ng bahay ay gawa sa makapal na bakal.

Mas maganda ang MPC Rooty Hill kesa sa Schofields na may iisang kubeta lamang sa lumang bahay. May kubeta nga sa labas pero lumang dumihan lang at walang sariling urinal.

Mas maganda ang MPC Rooty Hill.

Kaya hindi matangap ng kaisipan ko kung bakit “IBINARGAIN” lang sa mababang halaga, nasa “prime location” pa ito. At bakit ibinenta sa napakababang halaga?. At  bakit, bakit bumili ng kapalit na pangit na ang bahay,  pangit pa rin ang lugar? Malaki nga ang lupa, pero sabi nga ng Council sa naunang babala nila bago ito bilhin, ay hindi puedeng tayuan ng inprastraktura na tulad ng binabalak na MPC project  sa mga kadahilanan na ang lugar na ito ay malimit makaranas ng mataas na baha.

Makikita ang babalang ito sa mga nakatulos na may mga pulang ‘reflective’ color sa kalsadang babagtasin pababa patungo sa lugar na binili na halos “DOBLE ANG HALAGA” sa pinagbentahan nang MPC Rooty Hill.

Mga ginoo at ginang, magpaliwanag kayo sa komunidad natin.

Ipaliwanag ninyo kung bakit naging mabilis at ora-orada ang desisyon ninyo na gawin ito, na para bagang, kayo lang ang NAGMAMAY-ARI nito.

Bakit hindi man lang kayo nagpahayag sa publiko sa pamamagitan ng mga lokal na pahayagan na tulad nang Bayanihan News, Philippine Tribune, Philippine Herald, Ang Kalatas, Philippine Sentinel at iba pa na balak ninyong ibenta ang MPC Rooty Hill.

Nakalimot kayo na bago ito ibenta, ay tungkulin ninyo na tumawag ng isang malawakang konsultasyon publiko o “public forum” sa kadahilanan, na ang MPC Rooty Hill, mula ng ito ay ilunsad at ipangilak sa publikong pinoy ay PAGMAMAY-ARI na nang publiko na nagtulong-tulong sa pangingilak ng salapi para dito.

Magpaliwanag kayo, Manong Manny Villon at Ginang Luz Tiqui!

(Kuro-kuro ni Boy Galang)

Updated: 2013-07-01 — 18:43:04