May bagong namumuno sa MPC by Boy Galang

May balitang iba na ang namamahala ng Multi-Purpose Centre (MPC) project sa Schofields.

Iba na ang namumuno!  Iba na ang presidente! Iba na ang nangagasiwa!

Iba na ang CEO! Paano na nga ba? Sa paanong  paraan nila pinili ang bagong  mamumuno ng kanilang proyekto?

Paano ang pamamaraan ng pamimili ng makakapalit nila, at ano ang procesong  kanilang  ginamit?

Ini-anunsiyo ba ito sa mga pahayagan? Ini-anunsiyo ba nila ang paghahanap nila ng bagong pamunuan nang proyekto ng MPC?

Kung sabagay, napapanahon na. Napakatagal na at isa na nga ako sa nangagarap na mapalitan ang mga palpak na namumuno nito.

Kaya nagalak ako ng marinig ko ang balitang ito. Sabi ko nga sa sarili — sa wakas, magkakaroon din ng pag-asa na maisakatuparan ang pangarap ng kumunidad na magkaroon ng isang Pinoy centre.

Pero ng marinig ko ang pamamaraan ng palitan, Dios ko po! Nakakadismaya po! Lalo na noong marinig ko ang mga pangalang ipinalit. Nasabi ko sa sarili na wala talagang kahihinatnan at patutunguhan ang proyektong MPC.

Nakapag-abuloy daw ang mga taong ginawang mamahala ng halagang sampung libong dolyar para sa proyekto.

Ano? Nakapag-abuloy lang ng $10,000 naging Presidente na! At mamamahala na ng Proyekto!  Sa pakiwari,  ko palpak na naman,  dahil wala ring kakayahan  at ‘experience’ tulad nila ang kanilang ipinalit.

Kung ako ang tatanungin, hindi ko rin alam kung paano na ang dapat gawin sa proyetong MPC at kung paano ang solusyon, kasi masyado nang  naging masalimuot  ang mga pangyayari.

Sa mga bagong mamamahala, tinatawagan ko kayo nang pansin, mga “AMIGO.” Humigit-kumulang sa $700,000.00 ang pinag-uusapang utang nitong MPC.

At bago ninyo umpisahan ang pamamahala nito,  puede bang ipahayag sa lahat ng lokal na pahayagang Pinoy kung magkano ang buong utang ng MPC Schofields at sino-sino ang pinagkaka-utangan nito.

Ipaliwanag ninyo sa mga lokal na pahayagang Pinoy  kung ano ang inyong mga programa at plano para mabayaran ang utang, at kung kailan at paano mau-umpisahan ang proyektong MPC sa Schofields area.

Sa isang banda, paano na yung nakapagbigay ng halagang $32,000 sa proyekto sa pangalan ng Philippine Community Council (PCC) noong nakaraang panahon . Ano na kaya ang masasabi nila sa pamamaraan ng pamimili ng bagong koponan.

Ipina-alam kaya sa kanila ang mga pangyayari?

Atensyon! Tinatawagan ko nang pansin ang mga nakaraang pamunuan ng PCC! Tinatawagan ko nang pansin ang mga nagsipag-abuloy na Pinoy  dito sa proyekto! Tinatawag ko ang atensyon nang lahat ng tumulong sa PROYEKTONG  ito NA KALAMPAGIN at GISINGIN ang pamunuan nito at tanungin ang mga taong nasa likuran nito nang ganito — “Ginang at Ginoo” — ALAM BA NINYO ANG MGA PINAG-GAGAGAWA NINYO?

Updated: 2013-08-07 — 19:16:17