Humihingi po ako ng paumanhin doon sa aking nakaraang pahayag tungkol sa posisyon na ibinigay kina Ginoong Jimmy Lopez at Ginang Cen Amores.
Direktor lang pala ang puwesto na ibinigay sa kanila ng pamunuan ng Philippine Australian Community Foundation o Multi-Purpose Center, at hindi pala sila mga CEO.
At ang halaga pala na sampung libong dolyar na galing sa APCO (Australian Philippine Community Organisation) ay hindi donasyon, kundi pautang. Ito po ay ayon lang sa balita, at hindi rin po natin masabi kung gaano ito katotoo.
Mahirap intindihin ano po? Yung halaga ng pera na binitiwan ng APCO, hindi ito maliit na halaga. Nag-iisip ako kung saan galing ang perang ito.
Hindi ako sa nakikialam at wala akong pakialam, pero ang APCO ay “bunga” lang ng Philippine Community Council (PCC), na sinasabing “payong” daw ng mga organisayong Pinoy dito sa karatig Sydney.
Ilang taon pa lang ang nakalipas ng maganap ang pangyayari ng mahati ang PCC. Kaya “kagila-gilalas” na nakalikom kaagad ng ganoon kalaking halaga ang APCO sa loob lang ng maigsing panahon buhat ng maitatag ito.
Nag-iisip ako at maaring kayo rin, kung kayo ang organisasyon na kasapi ng APCO, payag ba kayo na ibahagi na lang o ipautang na basta-basta ang pera ng APCO?
Hindi madaling lumikom ng pondo sa panahong ito. At sa paanong paraan? Maya’t maya ba mag “fund raising dito, at mag fund raising doon. Likom dito, likom duon” at lalu na kung may kalamidad na nangyayari sa Pilipinas. Nakakatuliro ng isip ang mangilak ng salapi sa ganitong paraan. At yung mga lalapitan mo, maaring magsawa. Makita pa lang ang mukha mo tinataguan ka na.
Papaano kaya nakumbinsi ng pamunuan ng APCO ang mga kasaping organisasyon na maglaan ng pondo para sa MPC? Ganito na lang ba kadali na ipamahagi o kaya ipautang ang perang galing sa koleksyon, sa mga donasyon, o kaya kawangawa? Kung galing sa sariling bulsa ng mga namumuno, baka sakali pa. O kaya kung personal na donasyon, at kung kilala kang may pera, baka puede na wala ng tanungan kung bakit ka nagbibigay ng pera sa MPC.
Kung katulad ka sana ng isang kilalang nanalo ng Milyones sa Powerball, na nagpautang ng $300,000 sa MPC, pero ganoon pa man, makalipas yata ang wala pang isang taon na nakapagpautang ay siningil na ang halaga ng pina-utang sa kanila.
Pero ang APCO ay iba. Isa itong organisasyon ng mga organisasyon. Ang mga miembro nito o kasapi ay mga organisasyon. Kung papaano nakumbinsi ang mga kasaping organisasyon ng APCO ay isang malaking palaisipan para sa akin.
Sampung libong dolyares na ang kapalit ay dalawang upuan. Dalawang upuan sa pamunuan na may kaakibat na libong problema na kakaharapin. At ang malaking problema ay kung paano mababayaran o maibabalik ang pera ng APCO.
O, baka kaya, talagang donasyon na rin ito ng APCO sa MPC?
by Boy Galang