Balita tungkol sa Filipino Multi-Purpose Centre

Sa mga nakaraang buwan at araw, nakapagtataka ang pananahimik ng kampo ng Multi-Purpose Centre o MPC.

Ayon sa mga huling balita bago maganap ang eleksyon ay naulinigan ko na may mga udyok kung paano mababayaran ang balanse ng utang ng MPC.

At isa sa pinakahuling balita naman, ay mareremata daw ito pagkalipas ng anim na buwan kapag hindi nabayaran ang balanse ng pagkakautang nito. Ito naman ay balita lang. Bolang tsismis ika nga. Pero gaano katotoo ang tsismis, walang makapagsabi. Sa ngayon, hindi ko ito mapatunayan.

Ang  pananahimik, at ang mga bali-balita ay parehong nakapagdududa. Ilang buwan lamang ang nakalipas nang marinig natin na may darating na entertainer mula sa Pilipinas para mag concert dito at ang pangkalahatang kikitain ay mapupunta sa MPC Project sa Schofields Area.

Na ang Schofields ay bubukirin muna pansamantala habang ang lupa ay tiwangwang, nang sa gayon anila, ang ani ay maibebenta ng mura sa mga mamimili. O kaya ang lugar ay puede rin na pagdausan ng iba’t ibang sports,  o kaya gawing Zumbahan.

Ito ay ilan lang sa mga kung anu-anong payo ng kung sinu-sino, na kung ano ang dapat gawin sa timang na lugar.

At ngayon ang huling tsismis, mareremata itong Schofields kung hindi mababayaran ang balanse sa loob ng anim na buwan.

Sabi ng nakararami, ito talaga ang mangyayari kung magpapatuloy ang pamamahala ng kasalukuyang lumang pamunuan ng MPC.

Ang mga katanungan na mariring natin sa kapaligiran ay ganito: Ano ba ang talagang plano na gagawin sa MPC Schofields? Kailan ito mau-umpisahan? Gaano katagal para tuluyang matapos? Paano ang pagsustento ng gagastusin dito? Paano mabayaran ang pagkakautang nito, at sino ang unang pinagkakautangan na dapat bayaran?

May programa ba na sinusundan ang kasalukuyang LUMANG pamunuan?

Sabi nila mukhang WALA! WALA NGA BA? Boy Galang

Updated: 2013-10-02 — 19:32:19