Bagong Taon na naman. Bagong Taon. Bagong pagbabago wika nga, at ang Luma ay kailangang BAGUHIN.
Bagong Taon — Bagong pag-asa — Bagong buhay.
Habang ang Mundo ay patuloy na umiikot sa landas na tinatahak — ang landas na kinagisnan, nang isilang Siya sa kalawakan — bilyong taon na ang nakararaan.
Kapag ang mundo ay lumihis ng landas o kaya may kung anong malaking bagay na mahigop ito, gaya ng malalaking tipak na bato na naglipana sa kalawakan at bumagsak sa lupa, GOODBYE EARTH. Ayon sa mga paham, milyong taon pa ang bibilangin bago ito ay maganap. WALA NA TAYO…
Maraming dapat baguhin tuwing magbabago ng taon, palagay ko sa puntong ito ay kailangang suriin nating mabuti ang ating mga sarili.
Anu-ano ang mga pagbabagong dapat na baguhin?
Para sa akin, ang unang karapat-dapat na baguhin sa sarili pagsapit ng Bagong Taon, ay ang lumang masamang kaisipan, sa dahilan na kapag ito ay namalagi sa utak mo, ay a-atake sa ugali ng pagkatao mo.
At kung mayroon mang kabutihan pang natitira sa pagiisip mo ay lalamunin lang nito at isang buong taon na naman na magiging masama ang pag-u- ugali mo.
Sa loob ng maraming taon na nakaraan, ang mga Intsik sa Chinatown sa Pilipinas sa obserbasyon ko — bago pa kami napunta dito sa Australia — isang Linggo pa bago dumating ang ika-31 ng Disyembre, ay mabibingi na ang mga tainga mo sa lakas ng mga sari-saring paputok na kanilang sinisindihan. Maririnig mo na ang putok ng ng kwitis, bawang, five star, whistle bomb at marami pang iba. Itong kinaugalian ay patuloy pa rin magpahangga ngayon. Maraming mas malalakas na paputok ngayon na yayanig sa katauhan mo, at malamang nga na hindi mo na ito maririnig dahil sabog na sa bingi ang mga tainga mo. Mga malalakas na imported na paputok gaya ng Goodbye Pinas, Goodbye World, may Goodbye Bin Laden na talaga naman na nag-goodbye na sa Mundo.
Kaugalian ito ng mga Intsik na nakapaligid saan man sa mundo. Ang mga Intsik na nasa Pilipinas na halos lahat ay negosyante, ay nagpapatalbugan sa pagsindi ng malalakas na paputok isang linggo bago sumapit ang bagong taon, dahil Ito raw ang nagtataboy ng mga masamang ispirito sa kapaligiran at sa katawan ng tao. Dahil nga sa mga negosyante ang mga ito, halos lahat ay binabago nila. Magpapalakihan sila ng utang para sa kanilang negosyo.
Mga negosyante lang ang may karapatan na ang lumang utang ay baguhin at palakihiin. Dahil may mga negosyo, kaya wala silang takot na lumaki at lumobo ang inutang nila.
Ito ang hindi dapat na gayahin lalo na kung wala ka namang negosyo. Huwag palakihin ang utang lalu na kung wala kang ina-asahan na pambayad.
Kung ina-asahan mo ang mag-fundraising o lumikom ng para pambayad sa inutang mo para wag maremata ang bagay na nakasanla — MAGHUNOS DILI KAYO!
Kayong mga nasa pamunuan ng Multi-Purpose Centre o Philippine Australian Cultural Centre o Philippine Australian Community Foundation — BAGONG TAON NA! Yaong magaling na CEO at si Ginoong Manny Villon — May pandinig pa ba kayo at pakiramdam?