Ito ang pinakatampok na araw sa buwan ng Marso dito sa Australia.
Ang ‘Clean Up Australia’ ay itinatag ni Ian Kiernan at Kim Mckay nuong ika-8 nang Nobyembre 1989, at ang kauna-unahang ‘Clean Up’ ay inilunsad nuong buwan ng Enero 1990. Ito ay pinamunuan ng Unang Ministro ng bansa noon na si Bob Hawke.
Ang Clean Up Australia ay bunga ng Australian Bicentenary Event na kung tawagin nila sa Ingles, gaya ng “Clean Up Lake Macquarie” na inumpisahan ni Ivan Welsh, Mayor ng Lake Macquarie noong taong 1987. Ang kasunod nito ay ang ‘Clean Up Sydney Harbour’ noong taong 1989 na nakahikayat ng mahigit na 40,000 na boluntaryong tumulong sa paglilinis nito, at matagumpay naman na nakakolekta ng mahigit sa 5,000 tonelada ng basura.
Taong 1993 nang mapasimulan ang “Clean Up the World.” Ito ay sa pamamagitan pa rin ni Ian Kiernan at Kim Mckay na nagsumikap na maidulog ang konseptong “Clean Up” sa United Nations Environment Program.
Ang “Clean Up The World” ay matagumpay na nailunsad nuong 1993. Ito ay sinuportahan ng higit sa 35 milyong kataong boluntaryo na mula sa 120 Nasyon na kabilang sa programang ito. Sa kasalukuyan, ito ay taunang ginaganap tuwing ikatlong lingo ng buwan ng Setyembre kaya bida ang lahat na kasama dito.
Siyang-siya at tuwang-tuwa ang “INANG KALIKASAN.”
Ang panalangin ko ay sana makasali ang bansang Pilipinas sa mga programang katulad nito. Pero maraming dapat na linisin sa bansang Pilipinas dahil sobrang marami ang basura.
Ang pinakamatinding basura na gustong itapon ng nakararaming Pinoy ngayon ay ang “PDAP” na kung tawagin ay “Pork Barrel.” Ito ang pinag-u-usapan ngayon at bidang-bida rito si Janet Lim Napoles, kasama na ang ilan sa mga Senador at Representante sa Kongreso at ilan sa mga matataas na tao na dumaan sa kamay niya. Pinaglaruan ni Napoles ang mga ito, pero matindi naman ang naging pakinabang nila sa “Pork Barrel Scam” nito.
Ang matinding naging biktima ng “Scam” na ito ay si “Juan dela Cruz.” Sundan po natin ang mga susunod na kabanata nito….
Mabalik tayo sa Clean Up Australia mga kabayan. Masasabi ko na ito ang proyekto na napakasimple. Simpling -simple at makabuluhan. Marami ang nakikinabang — unang-una na nga ang “KALIKASAN”.
Ganitong mga simpleng proyekto ang dapat na mapagtu-unan at mabigyan ng pansin.
At yaong mga proyektong malakihan at may malaking pinagka-kautangan na katulad ng Multi-Purpose Centre o Philippine Australian Community Foundation ay dapat na dapat lang na bigyan ng matinding pansin ng mga pasimuno nito sa dahilang baka nga maremata at maglaho ang proyektong ito.
Tinatawagan ko ng paulit-ulit ang mga ginoo at ginang na pasimuno nito na magsimula na kayong maglinis, at ipaliwanag sa tao ang mga pangyayari kung bakit umabot sa ganitong sitwasyon at estado ang proyektong ito. Kung hindi ay siguradong magagalit ang sambayanan, kasama na ang “KALIKASAN.”