Matinding Sakit at Hapdi sa balat ang naramdaman ng mga mamamayan nang i-anunsyo kamakailan ang “BADGET” 2014 ng tresorero na si Joe Hockey. (Spelling of budget is intentional because it is really BAD!)
Walang pakundangan si Joe sa sino man ang tamaan ng wasiwas at hampas ng kanyang notoryosong “Hockey stick blade.” Lahat tinamaan.
Sa larong Hockey, mga kabayan, ang sandata ng mga manlalaro nito ay tinatawag na “Hockey stick blade.” Blade lang ang tawag, pero walang itong talim, at napakagaan na parang plastik lang na nasa dulo ng stick na mukhang ulo ng iron golf club. Pag inabot ka ng hampas nito, sakit sa balat ang mararamdaman mo.
Ito yung laro na napanood ko minsan sa sport channel ng TV. Sa kalagitnaan ng laro, biglang naghampasan ng stick blade ang magkaka tunggali, parang nag-rarayot, wala kasing regulasyon na hindi puedeng ihampas sa kalaban ang stick blade, at ito’y sa kalaban lang.
Sa tingin ko, na para bang sa kasagsagan ng larong “hockey” nang ihampas ni Joe Hockey ang kanyang “Hockey stick blade” sa mga kalaban, kakampi at pati na sa mga manunood. Para siyang nag amok.
ANG TAMAAN HUWAG MAGALIT!
Ito ngayon ang gobyerno natin, ang gobyerno ni ABBOTT. Bata’t matanda, mag-aaral, may sakit, may kapansanan man o wala, may partner o wala, may trabaho at wala, mga ina at ama na nagpapalaki ng kanilang mga anak, at lahat halos ng sektor sa lipunan maliban sa ilang nakaririwasa na kabilang sa grupong ito na nakaligtas na tamaan ng hagupit ng “BADGET 2014” ni JOE. “ABBOTT-ABOT” ang pagsisisi ng mga taong umasa at bumoto sa kanila nuong nakaraang eleksyon 2013. Tinalikuran nila ang pangako na walang ipapataw na bagong buwis kapag sila ang naupo sa gobyerno.
Ang masaklap pa, bukod sa dagdag buwis, ay ang pagbawas sa pondo sa edukasyon at pangkalusugan na nagkakahalaga ng $80 bilyones. Naalala ko tuloy yung dagdag-bawas sa bilangan ng boto tuwing halalan sa Pinas.
Ito ang piskal budget 2014 na masasabi ko na “BADGET” ni Joe Hockey na tinututulan ngayon ng nakararaming mamamayan ng Australya.
Ayon pa kay Joe, at yung finance minister nila, na umapela na lang ang taong bayan pagkalipas ng tatlong taon, na ang ibig sabihin ay husgahan na lang sila sa susunod na eleksyon.
JOE, dismayado ang taong bayan… Progreso sa Western Sydney ang paksa na maririnig mo sa karamihan ngayon lalu na sa mga Pinoy na napiling manirahan sa lugar na ito. Ang progreso ay hinay-hinay na mararanasan sa palagay ko sa pagdaraan ng mga taon.
Karatig-pook ay magtataasan ang halaga at kung may lupa ka na pag-aari mo, mapalad ka kung magiging doble ang halaga nito, kung nabili mo ng mura maibebenta mo ng malaki. Kung personal na pag-aari mo, masuwerte ka dahil tatangap ka ng bonus kapag ibinenta mo.
Sa kaso ng MPC hindi ganito ang punto, walang personal na nagmamay-ari nito, at kung tataas man ang halaga nito pagkararaan ng limang taon, ibebenta ba ito ng mga nangagasiwa at bibili sila ng murang halaga na paglilipatan nito? Saan? Wala ng mura sa Blacktown at maski saan sa NSW. Lipat kayo sa Orange, sa Young o kaya sa Northern Territory.
Hangga ngayon, palaisipan pa kung sino ang tunay na may-ari ng MPC!