Magandang araw po sa lahat at gayon din kay Ginang Elsa Glin na nakabasa, at nakapansin sa aking mga ipinahayag noong nakaraang buwan.
Maraming kasing nasaktan ng i-anunsiyo ni Joe Jockey ang Budget 2014, na tinagurian kong “Badget.” Lalo na sa karamihan na mga taong sumuporta at nagsiboto sa kanila noong nakaraang eleksyon 2013.
Ang Budget ay mahalaga, dahil ito ang magiging gabay sa magandang kinabukasan ng bansa at ng mga mamamayan nito. Sangayon ako sa isang Budget na tugma sa pangangailangan ng lahat at hindi ng iilan lamang na mga mamamayan natin na nakaririwasa. Ang kinokondena ko ay pagtalikod ng partido Liberal/Koalisyon sa kanilang pangako na walang ipapataw na bagong buwis kung sila ang mananalo sa eleksyon 2013. Ito yung tinagurian kong “Badget” 2014.
Maliwanag na nagsinungaling sila sa mga taong sumuporta at naghalal sa kanila noong nakaraang halalan.
Kung sinabi lang nila na ganito ang mga buwis na ipapataw at ganito ang aawasin sa mga pondong nakalaan na, noong bago mageleksyon 2013, ano sa palagay natin, ano sa palagay mo? Hindi kaya mag-aalinlangan ang mga botante kung dapat silang iboto o hindi?
Bago mag-eleksyon paulit-ulit na itinanggi ni Abbott at Hockey sa mga interbyu na wala silang balak na magpataw ng bagong buwis at walang pondong aawasin sa mga kagawad ng gobyerno. Pinag-diinan nila ang pagtanggal ng Carbon Tax at Mining Tax, na ang magiging kapalit naman pala ay ang pagpataw ng napakaraming buwis. Buwis na makapagbabawas ng tinapay sa mesa ng mga maliliit na mamamayan dito sa Australya. May kasabihan nga na kapag kaunti ang tinapay sa “MESA mag-aalsa ang MASA.”
“Pangako na Napako” — ito yung punto ko. Pangako na nagpanalo sa kanila noong nakaraang eleksyon. Nagkomento ako sa dahilang lahat halos ng mamamayan ay “NAPA-ARAY” nang i-anunsiyo ang “Badget 2014” ni Joe Hockey.
Hindi ko hangad na makipagdebate sa iyo Ginang Elsa, o kanino man. Ang pakay ko sa kolum na ito ay tumawag ng “PANSIN” sa mga Pinoy na katulad ko na naninirahan dito sa Australya, lalo na sa isyung tulad nito na napakahalaga ng magiging epekto sa araw-araw na pamumuhay ngayon at sa hinaharap..
Sa aking palagay, hindi na ito nangangailangan ng isang intelektwal na talakayan. Simpleng bagay lang naman na dapat kondenahin — “ANG PANGAKO na NAPAKO.” At sa mga detalye ng mga buwis — ako, ikaw, at kayo na ang bahalang mag-isip kung anu-ano na ba ang mga iyon.
Itinulad ko ang apelyido ni Hockey sa isang hockey player na ang hawak ay isang hockey stick blade na pag ikaw ay inabutan ng hampas sa katawan ay mapapa-aray ka sa sa sakit, kaya nga “Abbott-Abot” ang pagsisi na narinig ko sa mga taong sumuporta at bumoto sa kanila noong nakaraang eleksyon.
Halos lahat ng sektor sa kapuluan ay tinamaan ng “Badget 2014, kabataan man o matanda, nag-aaral man o hindi, may sakit man o wala, may trabaho man o wala, may asawa o wala, may mga anak na nagsisipag-laki at nagsisipag-aral at iba pa ay nasaktan.
Ginang Glin, matanong kita, hindi ka ba natamaan?
Ang payo ko sa mga intelektuwal at matalinong taong katulad mo: Humayo at pumalaot sa larangan ng pulitika at kumandidato sa mga susunod na eleksyon — Estado at Federal.
Huwag kalimutan ang Doonside Festival sa 12th July 2014!