Magandang araw po sa lahat.
Nabalitaan ko na noong nakaraang 21 Hulyo 2014 ang ika-dalawanpu’t apat na taon na anibersaryo ng Philippine Australian Community Foundation (PACF).
Pero sandali po lamang. Bakit tila biglang nawala ang Multi-Purpose Centre (MPC) na orihinal na proyekto? Ang MPC na sikat na sikat na proyekto nina Ginoong Manny [Villon] at Ginang Luz [Tiqui].
Ito yung proyekto na nakatalagang itatayo sa lupang nabili sa Rooty Hill. Proyekto na ang estilo ng infrastraktura ay makabayan na naayon sa kulturang Pilipino. May modelo pa ng MPC na makikita na nakadisplay sa bulwagan ng gusali na naitayo sa Rooty Hill bago magsiglong 2000.
Maraming Pinoy ang nakisakay sa proyekto ito. Maraming Pinoy ang nagbuhos ng hirap at panahon sa pangi-ngilap ng donasyon para dito, at marami rin ang nangako ng buwanang kaltas ng kanilang kuwalta sa bangko para sa proyektong ito. At marahil, kung hindi nagpabaya ang mga namahala nito ay matagal nang tapos ang proyekto, at may matatawag na tayong Pinoy Multi Purpose Centre, na siyang ganap na katuparan nang pagiging tunay na Bidang-Bida nang ginoo at ginang na ito.
Naguguluhan ako at hindi makapaniwala na dalawampu’t apat na taon na ang PACF. Kailan ito naging PACF, at kung bakit biglang naging PACF ay sila lang ang nakaaalam. Umikot-ikot mula sa tawag na MPC, naging PACC tapos naging PACF.
Pero, wala namang natapos na proyekto.
Lumaki yung lugar na nilipatan mula sa Rooty Hill, pero lumaki rin ang utang ayon sa mga balita. At kung bakit biglang lumaki ang utang, ay walang nakaaalam kungdi silang dalawa lang yata. Kaya matanung ko kayo. Sino sa palagay ninyo ang may-ari nito?
Ano ang nangyayari sa Mundo?
Nakalulungkot ang mga pangyayaring nagaganap sa iba’t-ibang bahagi ng mundo nitong mga nagdaang mga buwan.
Mga kalamidad na tulad ng super bagyo na sunud-sunod na nagsidatingan at nanalasa ng bagsik sa Pilipinas, na bahagya pa lang na nakabangon sa bangis ni Yolanda. Eto na si Glenda na nag-iwan ng malaking pinsala sa kapuluan. At balita na may kasunod pa itong pinsan, na hindi makapasok, dahil hindi pa lubusang nakalalabas ng bansa si Glenda.
Ang mga magkasunod na malalakas na lindol sa bansang Hapon. Mga baha, mga super tornado na sunod-sunod din na nangyari sa bansang Amerika. Ilan lang ito sa mga kalamidad na nangyari na tanging ang Dakilang Maykapal lamang na makapangyarihan ang makapipigil nito.
Ang patuloy na giyera sibil sa Ukraine, sa Syria, sa Iraq at Afghanistan, at sa Pakistan; ang labanan ng Israel at Hamas sa Gaza.
Ang bagsik ng mga terorista na magbuwis ng kanilang sariling buhay sa pamamagitan ng pagpapasabog ng bombang nakakubli sa kanilang katawan. Mga terorista, na walang pakundangan sa mga buhay na madadamay na masasawi sa pamamaraan nilang ito.
Ang Boko Haram, grupo ng terorista sa Nigeria — matindi rin ang bagsik nito. Mantakin mong makapangidnap nang mahigit na dalawang daang kabataang babae na hangga ngayon ay hindi pa makita ng mga autoridad.
Hindi pa nakikita hangga ngayon yung Malaysian Airline MH370 na bumagsak kung saan lugar ng dagat anim na buwan na ang nakararaan. Tinatayang nasawi ang lahat ng crew, piloto at pasahero na sakay nito.
Eto na naman. Nuong ika-18 ng Hulyo, isang Malaysian Airline MH17 ang bumagsak nang ito ay bombahin ng pro-Russian separatist sa Ukraine. At kulang sa tatlong daan na pasahero nito at crew ang mga nasawi.
Sumalangit nawa ang kanilang kaluluwa! Tatlong Pinoy ang kasama sa mga namatay na pasahero.