Sa mga mambabasa, mga taga-subaybay at sa mga libu-libong patuloy na tumatangkilik ng Philippine Sentinel at lalo na sa mga sumusubaybay ng kolum na ito, magandang, magandang araw po sa inyong lahat.
Oktubre na naman. Dalawang buwan na lang at Pasko na naman. Matatapos na naman ang taon.
Maraming pangyayari na naganap nitong mga nagdaang buwan. At ang pinakasikat ay ang pakutyang pahayag ni Joe Hockey, “hindi mahihirapan ang mga mahihirap sa pagtaas ng presyo ng langis dahil wala naman silang mga sasakyan.” Ito yung dipensa niya sa mga batikos tungkol sa “fuel excise levy” na sa wika natin ay karagdagang buwis sa langis, na isa lamang sa mga maraming nakalistang buwis na ipapatupad na nakasaad sa kanyang Budget 2014. Ito yung pilantik ng kanyang ‘hockey stick’ na sino man ang tamaan ay walang siyang pakialam.
Sabi naman ni Abbott: “may sasakyan din ang mga mahihirap.” Ito yung kapirangot na dipensa niya sa panig ng mga mahihirap laban sa pakutyang pananalita ni Joe.
Hindi maganda ang magiging resulta ng “fuel excise levy” lalu na sa panig ng mga mahihirap at mga walang trabaho. Tiyak na sila ang malilintikan. Ang mithi ng pamahalaan ni Abbott ay magkaroon ng “surplus,” o kaya makaipon ng pera na kukunin naman sa bulsa ng mga mamamayan. Sa puntong ito, ang tunay na malilintikan ay ang mahihirap lalu na yung mga mahihirap na walang mga trabaho. Yung mga kokonsulta sa kani-kanilang mga Doktor, na magbabayad ng $7.00 kada bisita ay nakatatakot na isipin. Kapag ipinatupad ay tiyak na latay sa balat ng mga mamamayan. Ito ay ilan lamang sa mga buwis na ipatutupad na nakasaad sa Budget 2014 ni Joe Hockey.
Ito yung Budget 2014 na hangga ngayon ay patuloy na pinag- uusapan at kinakalos pa sa Senado. Tatlong buwan na halos ang nakararaan ay patuloy pa rin binubusisi ng mga oposisyon sa Senado kung paano ito itutugma sa tama at makatarungang pamumuhay sa lahat ng sektor ng mga mamamayan dito sa Australya.
Kaya lang, sa mga balita nitong mga nakaraang araw ay lumalabo daw sa Senado ang pag-asa ng mga oposisyon sa dahilang ang PUP o ang tinatawag na Palmer United Party na isa sa mga grupo na may kapangyarihan na matutulan ang pagsusog nitong mga batas na nasa ilalim ng Budget 2014 ay unti-unti ng pumapanig sa gobyerno ni Abbott. Kay saklap isipin!
Mga piling mamamayan lamang at mga nakaririwasang kumikita ng limpak-limpak na salapi ang hindi dumaraing, walang karaingan, walang pakialam. Unang-una na yaong mga CEO, at yung mga nakaupo sa mga Board of Directors ng mga malalaking kompanya. Itong yung grupo na tumatanggap ng mga milyong dolyares na Bonus — bonus na kung tawagin nila kahit hind panahon ng kapaskuhan. At yung may mga matataas na posisyon sa pamahalaan ay kabilang din sa mga hindi nasasaktan at walang ”PAKI”…
Sa punto ng mga Bonus, yung gaya ng “School Kids Bonus” at ang “Income Support Bonus” ay mawawala na mula sa Disyembre 2016. Pero yung mga milyon-milyong dolyares na bonus ng mga iilan lang ay magpa-patuloy pa rin!
Nasaan ang katarungan ?
JOE HOCKEY, nasaan ang puso mo? JOE, nasaan ? Nasa “PUWET” mo ba? Malaki ang paniwala ko na nakakarma ang mga taong mapangutya. Joe, makakarma ka rin na tulad ng isang konsehal ng Blacktown na hindi nagtagumpay na maging Mayor. Hindi ko malilimutan ang sinabi ni Jess Diaz ng Liberal Party. Kahit sino raw na Unggoy ang ilaban ng Labor siya pa rin ang mananalo! Kaya siguro siya natalo ni Cr. Stephen Bali. (By Boy Galang)