Ilang araw na lang PASKO na, at ilang araw makalipas ito, ay magsisimula ang bagong kabanata ng buhay . May napasimulan na natapos, at may napasimulan na di matapos-tapos.
Ang napasimulan na pagbusisi sa Federal Budget 2014 sa Senado anim na buwan na ang nakararaan ay isa sa mga hindi matapos-tapos.
Nakakatuwa ang maselang pagbusisi sa budget 2014 ng mga Senador na kabilang sa koalisyon ng Palmer United Party (PUP), Greens, Labor at Indipendyente, na tanging sila ang may kapangyarihan na tutulan ang mga batas nakapaloob sa dito na inaakala nilang hindi makatarungan sa mga mamamayan ng Australya.
Nakalulungkot naman kung itong mga batas at pag-utos na ito ay makalusot pa sa masusing pagsusuri nila. Sa palagay ko, ang budget na ito ay hindi makakapasa sa senado sa taong ito, lalu na kung walang gagawin na pagbabago ang gobyerno. Sa tingin ko ay aabutin ang Abbott Budget ng siyam-siyam sa senado.
Yaong panukalang $7.00 na ginawang $6.00 na bayad sa konsulta sa mga GP ay hindi pagbabago. Ito ay pang-asar sa mga taong mahihirap na tulad ko. Hindi ito nakatutuwa. Ang kagustuhan ng lahat ay walang bayad sa konsulta sa GP na tulad ng dati, at walang bawas sa pondo para sa kalusugan at edukasyon — at sa marami pang iba na dapat baguhin na nakapaloob sa budget na ito na hindi makatao.
Ang mga nakaririwasang tao sa lipunan ang walang pakialam sa mga pangyayaring ito. Mga negosyante, at mayayaman na ang kulay ng dugo ay bughaw, kulay ng Partido Liberal na hindi makamasa. Ito ang pagkakaiba ng Partido ng Labor na tunay na partido ng MASA.
Sa mga huling balita na narinig ko na napakaganda ay ang tuluyan ng pagkakawatak-watak ng partido ni Clive Palmer na kung tawagin ay Palmer United Party (PUP), isa sa mga partido ng koalisyon na tulad ng Greens, Labor, at Indipendyenteng mga Senador na may kapangyarihan na kumontra sa Budget na ito. Si Clive Palmer kasi ay madaling bumaligtad at madaling pumanig sa gobyerno. Siya ay kabilang sa mga tao na nasa mataas na lipunan — bilyonario kasi, kaya’t di dapat na mapagkatiwalaan na papanig sa mga mahihirap.
Hindi na siya makapagdidikta ngayon sa kapartido na nasa senado na sumunod sa kanyang gusto. Wala na siyang mandato. Bilib ako sa kapartido niya dati na si Senador Jacqui Lambie na napakatigas, parang macho hindi niya mabakli na mapasunod sa gusto niya. Ito yung tao na may prinsipyo at mapag kakatiwalaan. At nagsabi pa na bubusisihin daw niyang mabuti ang mga batas at pag-uutos na nasa Budget 2014.
Sa nakaraang G20 Summit ay mapupuna nga na ayaw isama ni Abbott sa agenda ang tungkol sa klima. Takot siya na mapagusapan ang tungkol sa binasura nila na Carbon Tax na tugma sa usaping pagbabago ng klima na isa sa mga dahilan ng mga paulit-ulit na kalamidad na nangyayari ngayon na nagdudulot ng masamang epekto ng ekonomiya sa Mundo.
Hindi man lang niya kinondena si Vladimir Putin na dumating na may kasamang Naval Fleet. Taliwas ito sa mga lider na ang mga alipores ay naka SUV at Limosine lang.
Si Putin na nuno rin pala ng mga sinungaling na tulad ni Abbott. Na pinabulahanan hindi raw sila ang nagpabagsak ng MH17, kundi mga Ukraine Forces. At wala rin daw siyang mga sundalo na pumasok sa Ukraine gayong kitang-kita sa CNN ang mga sundalong Russian na tumawid sa boarder nito. Sinungaling!!!