Mayroon pa bang Multi-Purpose Center? by Boy Galang

Nagulat at namangha ako ng makita ko ang katotohanan na ibinebenta na pala ang Schofields MPC/PACC/PACF,  akala ko noong una kong marinig ang balita na ibinebenta ito, ay may nangi-intriga lang.

TOTOO na pala. Nasa merkado na at sa ilalim ng pamamahala ng  LJHooker  Riverstone at ang ahente ay si Stephen Trethowan.

80 Grange Ave. Schofields NSW 2762. $ 2,490,000.00 ang presyo.

Ayon sa Blacktown City Council noon,  ang Schofields area na kung saan mismo naroon ang binili na lugar na pinaglipatan ng  MPC mula sa Rooty Hill ay isang “flood prone” area at sabi pa nila, ito ay hindi nararapat na pagtayuan ng anumang gusali na tulad ng “Multi-Purpose Centre”.

Taniman lang ang nababagay dito, dahil yung  mismong lugar na tatahakin mo patungo sa 80 Grange Avenue ay palusong at pababa, masasabi na ito ay “catch basin” — isang termino ng mga inhinyero. Sa madaling sabi,  kung  umuulan,  yung tubig na dulot nito na galing sa mataas na bahagi ay dadaloy pababa, at dito maglalagi, at mamamahay.  Dito mismo sa bahagi ng lugar na ito ng Grange Avenue nakahanay ang naturang lugar ng MPC o ng tinatawag nila ngayon na Philippine Australian Cultural Center.

May “warning sign” na makikita ang mga tumatahak sa kahabaan ng Grange Avenue.

Ang katotohanan  na nagbabaha ang lugar na ito ay nasaksihan mismo ng pamunuan at ng mga dumalo sa Christmas Carols noong ika-6 ng  Disyembre  2014, dulot ng walang tigil na ulan sa maghapon at magdamag nang araw na iyon. At may balita pa na yung mga ibang nagpuntahan ay hindi na nakababa ng kanilang sasakyan. At ayon pa rin sa balita, may ilang  sasakyan na nalubog dahil sa kalambutan ng lupa at kailangan pang ipahila upang makaahon sa putik kinabukasan.

Maaring isa ito sa mga dahilan sa agaran pagbebenta ng naturang lugar na sa palagay ng nakararami ay disisyon na naman ng dalawang magaling na tao.

Ang hindi matanggap ng konsensiya ko ay kung ano ang nagtulak sa kanila noon na bilhin ang lugar na ito na malaki nga, pero malaki rin ang halaga ng presyo nito. Kinulang pa nga sila ng pambayad dahil sa hindi sapat ang perang na pinagbentahan ng MPC sa Rooty Hill.

Ang kondisyon ng lugar sa Grange Avenue sa Schofields area nang bilhin ito, ay hindi lingid sa kaalaman ng kanilang solicitor at ng beteranong real  estate agent na si Mr. Mansueto Villon. Sa larangang ito ay alam na alam  ni Mr. Villon ang pakaliwa at pakanan ng bentahan at bilihan ng lupa, at hindi siya madaling lokohin sa puntong ito. Ang naturang lugar ay isang deklaradong  “flood prone area” kaya ang tanong ng nakararami, ay kung ano ang nagbunsod sa pamunuan na kinabibilangan ni Mr. Villon ng MPC sa agarang pagbili ng lugar na ito.

Sa taong ito ng 2015, isipin na lang natin na mabili itong lugar, at mabayaran ang lahat ng pinagkakautangan. Ano kaya ang gagawin nila sa matitirang  pera na pinagbilhan? Sino ang mangangasiwa ng pera? Kung bibili ng lupa sa ibang lugar, saan kayang lugar? Makasasapat ba yung halaga ng matitirang pera  na pambili nito? Alalahanin na wala ng murang halaga ngayon dito sa karatig ng Blacktown. At kung lupa lang,  paano na ang pagtatayo ng struktura nito na MPC? At alalahanin din nila na ito ang kanilang pangako sa mga taong kanilang hiningan ng donasyon noon. Kabilang ako sa mga taong iyon.

Ano na ang plano ng pamunuan ng Philippine Australian Community Foundation? Isasauli ba nila sa tao yung mga perang donasyon nila? Hihinto na ba sila sa paghingi ng donasyon para sa proyektong ito?

Kung wala na talaga ang MPC, makabubuti na ihinto na lang nila ang paghingi ng donasyon, at  huwag nang ipagpatuloy ang paghingi sa ngalan ng Cultural Foundation na wala nang magiging katapusan.

WALA NA ANG MPC!  WALA NA! ###

Updated: 2015-02-01 — 16:41:01