Marami ang nagtataka kung bakit biglang naging $900,000 ang utang ng Philippine Australian Community Foundation mula sa higit-kumulang na $400,000 nuong taon 2009 nang mabili ang lupa sa 80 Grange Avenue sa Schofields. Bakit biglang lumobo ng malaki ang utang nito sa nakalipas lamang na 5 taon, mula noong 2009 hanggang sa kasalukuyan?
Napag-isipan ba o dili kaya, napagplanuhan ba ng pamunuan ng PACF kung ano ang mga hakbangin na gagawin kung sakali na hindi maganda ang magiging resulta ng mabilisang bentahan ng ROOTY HILL at ang mabilisan din na bilihan sa lupa sa Schofields?
Taong 2009 yata nang mangyari itong kalunos-lunos na bentahan at bilihan na namagitan sa panig ng magaling na pamunuan ng PACF at ng mga pribadong realtor. Paulit-ulit na nagbabalik sa aking gunita ang mga katanungan: bakit mabilis na ibinenta nang palugi ang Rooty Hill MPC na nasa “premier location” sa kanto ng Duke St. at Douglas St., at nakaltasan pa yung halaga na $700,000 na pinagbilhan at ang natira na lang ay $650,000?
Ito yung nakapagtataka! Alam naman nila na hindi makasasapat ang halaga ng pera sa bibilhing lugar sa Schofields na ang presyo ay $1,150,000. Malaki nga, pero hindi maganda ang lokasyon nito — madaling bumaha kapag bumuhos nang walang tigil ang ulan. Ito ay alam ng pamunuan ng PACF, pero nagkumahog pa rin na bilhin ang nasabing lugar. At sa palagay ng nakararami ay walang gaanong tawaran na nangyari sa halaga ng lupa sa Schofields. Nag “bargain sale” ang PACF para lang makabili ng “overpriced” na halaga ng lupa.
Inamin ni ginoong Villon na sila ay naghikahos na makalikom ng pera sa nakaraang dalawang dekada. “Struggling with its finances for over two decades” na daw ang PACF, ayon sa kanya ng kapanayim siya ng Ang Kalatas para sa isyu nitong buwan ng Febrero. At dugtong pa niya, na ang natatanging paraan ay ibenta itong nasabing lugar sa Schofields. “This has been going on for 25 years and we cannot wait for another 25 years to have this problem resolved“, at sana raw maintindihan sila (PACF) ng komunidad. Ipinagmalaki pa niya at ang sabi niya “Thank God we have invested on this land to have a bigger profit.” Ang masasabi ko ay hindi “bigger profit” kundi “bigger problem” ginoong Villon. Simula na naman ito ng kalbaryong tatahakin ninyo.
Ang paghihirap ninyo na makalikom ng pondo ay hindi nagsimula noong nakaraang mahigit na dalawang dekada. Nagsimula lamang ito nuong madalian ninyong ” ibargain sale” ang MPC Rooty Hill at ang mabilisan na pagbili ng lupa sa Schofields.
Sa palagay ng nakararami, nagsimula ang paghihirap ng PACF nang maningil at bayaran si ginang Tess Lopez ng perang inutang sa kanya na halagang $300,000.
Isa si ginang Lopez sa mga taong inutangang ng PACF at isa sa nag abono para mahusto ang kakulangan ng halagang $1,150,000 na pambayad para mabili agad ang lupa sa Schofields. At ayon sa mga nakakaalam, para mabayaran siya kaagad, ay malamang na umutang ang PACF sa Stacks Finance sa halagang $400,000 at ang prenda ay ang lupa sa Schofields. Ang Stacks Finance ay nagpapautang ng pera na may patong na 10% na interest, kaya yung halagang $400,000 na inutang ay $40,000 ang bayad kada taon sa interest pa lang. At eto nagpa-refinance na naman sila sa St. George Bank naman, na ang patong lang ng interest ay 6%. Pero ang malabo dito, hangga ngayon ay kung magkano ang inutang sa bankong ito.
At isa sa maaring naging dahilan kung bakit biglang lumaki ang utang ng PACF nuong nakaraang 5 taon ay ang sistema ng refinancing at ang kawalan na nang gana ng mga mamamayang Pinoy na magbigay suporta dito sa proyektong ito na.
Ayaw tanggapin ng pamunuan ng PACF na sila ay bigo na maisakatuparan ang kanilang adhikain. Paala sa mga representante ng PCC-NSW at APCO na kasama na sa Board Meeting na halungkating mabuti ang mga inutang sa bawat pag-refinance ng PACF kung ito ay nagpapasobra ng malaki sa perang inuutang. Nararapat siguro na palitan na ang pamunuan ng MPC/PACF/PACC. Baka sakaling makaahon sa matinding utang at matupad na ang pangakong Multi-Purpose Center. – by Boy Galang