Sasamantalahin ang pagkakataon kaya ipinagbibili na naman ang MPC. Mas gusto ko ang tawag na MPC, Multi-Purpose Centre, mas orihinal at mas simple, kaysa sa kung anu-ano na ang itinatawag nila ngayon dito. Lumalabas sa mga pahayag, at ayon na rin sa kanilang tagapagsalita na si ginang [Minerva] Santos, na ito ang opisyal na naging desisyon ng pamunuan ng Philippine Australian Community Foundation (PACF) sa pulong na naganap noong ika-31 ng Enero 2015 — na ibenta na ang 80 Grange Avenue sa Schofields. At nagkaisa rin ang mga opisyal ng pamunuan ng PACF na ipamahala kay ginoong Villon ang pagbebenta nito.
Mga kabayan, noon pang isang taon, buwan ng Oktubre 2014 nang ilagay sa merkado ang nasabing lugar sa halagang $2,450,000 sa ilalim ng pamamahala ng LJ Hooker Riverstone. Sangayon sa kanila (PACF), na ito ay pagsubok lamang. Tinitignan nila at naghihintay sila kung sino at kung may magkakainteres na bibili nito.
Sa kalkulasyon ng PACF, kung ito ay maibebenta sa halagang $2,000,000 halimbawa, ang $ 900,000 ay ibabayad sa utang. Hindi ko lang alam kung ito na nga ang buong halaga ng utang. Ipagpalagay na natin na ito na nga, at sinasabi nga nila, na ang matitirang halaga ay $1,100,000.
Ang nasabing halaga ay mapupunta sa Trust Fund na ang mamahala ay sila pa rin, habang sila ay naghahanap ng bagong malilipatan. Sabi pa nila, at ayon sa kanila ay may nakita na sila na doon pa rin sa Schofields. Ayon sa kanilang pahayag, ang lupa ay maliit at hindi kasing laki ng dati. Ang punto nga nila ay maging “malinis na at wala ng utang.” Hindi ba’t sila rin ang may likha ng problema sa biglang paglobo ng halaga ng utang, nang bilhin ang naturang lugar.
Nabuhay ang pag- asa ng PACF nang magkaroon ng malaking pagbabago sa Marsden Park na karatig ng Schofields. Ang pagtatayo nang mga negosyo na tulad ng IKEA, Costco, Bunnings atbp., sa naturang lugar ang nagbigay sigla sa mga kalapit nito. Isa sa nagtamo ng benepisyo ay ang Schofields area, na tumaas ang halaga nang presyo ng lupa sa biyayang nakamtan.
Ikalawang beses na itong magiging lipatan, lipat doon, at lipat dito.
Ang maipapayo ko sa pamunuan ng PACF, na nakapagdesisyon na ibenta ang lupa sa Schofields, na sa kasalukuyan, ay abang naghihintay pa ng bibili ng lugar, na ihinto na ninyo ang pangongolekta ng mga “pledges” at donasyon dahil sa ang ipinangako ninyo na MPC ay napako na — at naglaho na.
Mga katanungan nang marami ngayon, na bakit daw biglang parang naging negosyo ang kinalabasan ng mga pangyayari? Nawala at nalihis sa tunay na landas ng adhikang MPC para sa mga pinoy dito sa NSW, Australia.
Sa pakiwari ko, at sa palagay ko lang naman na isang napakalaking pagkakamali ng pamunuan ng PACF nang bilhin ang nasabing lugar. Ang hindi ko mawari, hanggang ngayon ay kung ano ang dahilan, at bakit kinailangan na biglang ibenta ang MPC Rooty Hill, at pilit na maibenta kahit palugi. Masasabi ko nga, at malapit ito sa mga naging ni kataga ni Ms Benjie na “harakiri, harasaki at sukiyaki” na kitang-kita naman ang napakalaking potensyal na umangat at umasenso ang lugar ng MPC Rooty Hill noong mga kapanahunang iyon.
Nabulag ba, o nagbulag-bulagan ang magaling na realtor ng pamunuan ng PACF na hindi nakita ang potensyal na pag asenso ng MPC Rooty Hill noon.
Ano ang tunay na dahilan?
At paano ngayon ang pamamaraan ng pagbabayad sa mga pinagkakautangan kung sakaling mabili ang lugar sa Schofields? At kung mabayaran na si ginoong Villon, handa na kaya niyang ibigay sa ibang tao ang pamamahala nito? Tsk.Tsk.Tsk.