Panalangin ko — sana mapalitan na ang pamunuan ng Multi-Purpose Centre (MPC) sa lalong madaling panahon.
Ito ay nararapat lang, at talagang napapanahon na sana maisagawa kaagad ang hakbang na ito.
Nabalitaan ko nitong mga nakaraang araw na isa sa masugid na nagtutulak ng panukalang ito ay ang pamunuan ng Philippine Community Council (PCC), at ang hindi mabilang na miembro ng mga Pinoy dito sa komunidad natin sa NSW.
Ito ngayon ang malaking katanungan — Sino ang mamumuno at sino ang mamamahala nito kung sakali’t magsipagbitiw ang pamunuan ng MPC?
Ang PCC ang sinasabing “Payong at Pader” daw ng mga organisasyon dito sa NSW. Sa aking palagay ay wala ring kredibilidad at kakayahan na mamahala ng ganitong klase ng proyektong nasa maselang kalagayan na. Ang napabalitang mga pangyayari nitong nakaraang eleksyon ng mga Direktor nito, ang mga hidwaan at mga intrigahan ang siyang dahilan na pagdudahan ko ang kredibilidad nitong samahang ito. Maging noong nakalipas na dalawa o tatlong taon, ay ganito rin ang mga napabalitang dayaan na naganap. Kaya taon-taon nabubulgar ang hindi magandang larawan ng PCC.
Ang pangit na larawang ito ng PCC ang malaking balakid na maisakatuparan ang anumang adhikahing ninanais. Maliban na lang sa kanilang taunang paghahanda nang sayawan tuwing ipinagdiriwang ang “Araw ng Kalayaan” ng Pilipinas dito sa Australia — waring mahusay sila sa larangang ito.
Subalit ang pamamahala ng MPC — at kung sila na nga ang mamamahala nito, ay malamang na mapunta sa hindi maganda at lalong walang patutunguhan. Sa kasalukuyan, wala pa akong alam na organisasyong Pinoy na dalubhasa sa pangangasiwa ng ganitong proyekto. Okay lang kung hindi gaanong mahusay, basta maalam lang puwede na siguro.
Kung maibenta ang lugar sa Schofields, at mabayaran ang lahat nang pinagkakautangan, may plano na kayang nakahanda para sa susunod na kabanata ng MPC? Kung ang PACF ang muling mamamahala ng natirang pera, ano ang maipapangako nila sa kumunidad nating mga Pinoy, lalo na sa mga nagsipag-abuloy ng donasyon para sa proyektong ito?
Magiging maayos na kaya ang pamamahala nito? Na ang MPC na ipinangako nila noon ay hindi nawawala at maisasakatuparan na sa nalalapit na panahon…Pero kailan? KAILAN?
Ang laban ni Pacquiao at Mayweather
Maiba tayo ng usapan. Bago maipamahagi ang edition na ito ng Philippine Sentinel ay handa na o kaya ay tapos na ang bakbakan nina Manny Paquiao at Floyd Mayweather.
Garantisado naman talaga na kikita ang bawat isa sa kanila ng malaking halaga. Lalo na si Mayweather na mas malaki ang parte kaysa kay Pacman. Hindi ko malaman kung bakit pumayag si Manny ng ganitong partihan.
Inaasahan ko na ang mananalo sa labanang ito ay si Pacman. Sigurado ako dahil walang gagawin si Mayweather kundi ang magtatakbo at iiwas sa mga suntok ni Pacman. Hindi ako sigurado na makaiiwas siya sa lahat ng suntok ni Pacquiao.
Wala akong alam na boksingero na wala pang talo. Kailangan yata na magretiro ka na habang wala ka pang talo para masabi na wala kang talo at walang tumalo sa iyo. Kung patuloy kang makikipagbakbakan, tiyak na may tatalo sa iyo. Si Pacman may talo na. Si Mayweather hindi puwedeng hindi matalo sa kalabang tulad ni Pacman, dahil wala pa siyang nakalaban na kasing galing nito. Kaya sinisiguro ko ang panalo ni Pacman sa labanan. Isa si Pacman sa mga nabiyayaan ng talento ng Panginoon. Huwag sana siyang makalimot.
Mabuhay si Manny Pacquiao!