Kahanga-hanga ang tapang na ipinakita ni Pacman sa labanan nila ni Mayweather nuong nakaraang Mayo 2 sa MGM Las Vegas Nevada. Bigo man sa tagumpay na maideklarang panalo sa labanan, mas kabiguan ang natamo ni Floyd nang hindi niya nakamit nang walang kaduda-duda ang titulo na “pound for pound” king. Ang lahat halos ng manonood na dumagsa sa Las Vegas, Nevada, lalu na yaong mga nasa ringside na nagbayad ng halagang $100,000 kada isang tiket, ayon sa nabalitaan ko, ang dismayado sa naganap na labanan. Ang inaasahan nilang makikipagsabayan si Floyd ng sapakan kay Pacman ay hindi nangyari.
Bigo si Floyd Mayweather na mapanatili ang titulong “pound for pound” king sa Welterweight division. Totoo nga na wala pa siyang talo; 48-0 na ang record niya at limang titulo na ang nakuha sa iba’t-ibang dibisyon sa larangang ito. Sa opinyon ko lang, ang dapat na ibansag sa kanya ngayon ay “takbo—kalbo—takbo” king at masasabi ko na mahirap talagang talunin ang boksingerong katulad niya. Si Manny Pacquiao, anim na talo na pero walong titulo na ang nakuha niya sa iba’t-ibang dibisyon rin, at siya lang ang mukhang may karapatan na ilaban kay Mayweather.
Ang mga boksingerong tinalo ni Floyd ay malalaki at magagaling, pero tinalo na ring lahat ni Pacman. Ano pa ang masasabi natin.
Nagkamali man ang prediksyon ko na mananalo si Pacman, hindi naman ako mali sa iniulat ko noon na walang gagawin si Floyd sa buong 12 rounds ng labanan kundi ang magtatakbo at magbitiw ng 1-2 jabs na minsan tumatama, pero walang kalakas-lakas na para matawag na “pound for pound” punch. Wala man lang kagalos-galos ang mukha ni Pacman .
Lusob teksas ang ginawa sa kanya ni Pacman. Si Floyd naman ay urong at takbo, takot na takot makipagsabayan. Ilang beses siyang nasukol sa ring ni Pacman, hind lang isa o dalawa beses. Si Floyd kahit minsan ay hindi niya nagawa. Sa panonood namin sa pay per view, at sa sarili kong pagbilang ng puntos ay patas lang ang laban. Dapat ay “Draw” o patas lang ang kinalabasan ng labanan nila para sa akin.
Sa isang banda naman, masasabi ko na kagila-gilalas ang inabot at natamong tagumpay ng dalawang ito sa larangan ng boksing na sa palagay ko ay walang ng makahihigit, at makapapantay pa sa narating nilang tugatog ng tagumpay. May mga karisma at talagang magaling at talagang kagigiliwan ninuman na panoorin ang laban.
Sino ang mag-aakala na ang dalawang boksingerong ito na kapuwa isinilang sa karalitaan sa magkabilang panig ng Mundo ay magkakaharap sa isang labanan na ang ibinayad sa bawat isa ay kayamanan ng masasabi? Marami ang nakapanood ng laban, milyon-milyon sa pay per view sa iba’t-ibang panig ng Mundo. Medyo malaki ang naging bahagi ni Mayweather dahil ang promotion team niya ang nagpagod sa paghahanda ng lahat para maidaos ang labanang ito na matagal nang hinintay nang milyon-milyong boksing opisyonado sa Mundo. From “Rags to Riches” ang dalawang ito.
Si Flash Elorde at iba pang boksingerong Pinoy
Mahigit anim na dekada na halos ang nakakaraan noong panahon ni Gabriel “Flash” Elorde na naging kampeon ng Mundo sa “Junior Lightweight Division” na hindi rin naman nagtagal. Si Anthony Villanueva naman ay nakakuha ng Bronze medal sa Olympic Games. Sila ang mga Pinoy na naunang nabigyan ng karangalang sa larangan ng Boksing sa Mundo. Mayroon pa akong isang natandaan — si Navarete sa welterweight division pero hindi nagtagal at natalo agad sa unang depensa palang ng titulo niya. At may ilan pa pero wala pa talagang nagtagal.
Si Manny “Pacman” Pacquiao ay biyayang ibinigay sa bansang Pilipinas na nagmula sa Langit. Ang marami niyang tagumpay sa larangan ng boksing at ang mga karangalang natamo at naialay niya sa bansang Pilipinas at sa mga Pilipino ay hindi makakalimutan. Sa palagay ko ay walang makapapantay. Mananatili itong nakaukit sa isipan, puso, at damdamin ng mga Pinoy sa mahabang panahon at sa mga bagong henerasyong darating.