Sa mga huling nagbabagang balita— ang MPC Schofields ay naibenta na sa halagang $2.5 milyong dolyares. At ang interesadong bumili nito ay nagpaunang bayad na ng halagang $250,000. Ayon sa balita, ang kabuuang halaga ay babayaran sa loob ng siyamnapung araw (90 days).
Capital Gains Tax, agent fees at iba pa ang kakaltasin sa kabuuan ng pinagbilhan. At siempre pa, ang buong halaga nang nautang na umabot na sa halagang $ 900,000.00. Ayon ito sa ulat ni Gng. Minerva Santos ng kapanayamin siya ng Kalatas nuong mga nakaraang buwan ng taong ito. Kung magkanong “interest” ang ipapatong dito ay hindi ko alam. Wala akong detalye, kaya wala akong maiuulat tungkol dito. Wala rin akong balita tungkol sa mga maliliit na utang na dapat mabayaran na, at nang makasama na rin sa kabuuang halaga na kakaltasin sa pinagbilhan ng MPC Schofields.
Sa palagay ko naman, may malaking bahagi pa rin na matitira sa halaga ng pinagbilhan sa MPC Schofields na makasasapat na makabili ng malilipatang lugar para dito.
Ang magiging problema nga lang sa palagay ko ay saan? Sa malayo ba o sa malapit? Saan? Hindi puwedeng “saan ka man naroroon” at piho kong mawawalan ito ng saysay.
Ito yung pangako na huwag na sanang mapako at huwag nang maging “business venture” ang maging sistema nito. Proyekto na MPC ang minimithi na kailangan nang maisakatuparan habang may natitira pang panahon, at may natitira pang pera, at may nabubuhay pang mga nagbigay ng donasyon!
Sa mga pangyayaring ito, at sa pagkakataong ito sa palagay ko ay dapat nang mabago ang pamunuan ng Philippine Australian Community Foundation (PACF). Karapat-dapat lang na huwag nang manatili sa pamunuan ang mga kasalukuyang namumuno nito. Kailangang maging malinis at malinaw na mapasimulang muli ang mga patakaran at kalakaran ng pamunuang nito.
Pero palaisipan pa rin para sa akin, kung sino sa ngayon, sa mga taong bagong sakay sa pamunuan ng PACF ang masasabing karapatdapat, may kapasidad, may karanasan at may dalubhasang kaalaman sa pagpapatakbo sa mga programa ng proyektong katulad nito. Sino sa kanila? Sino?
Para sa akin, kailangan nang itigil ng PACF ang paghingi nang donasyon , at ang pangi-ngilak ng pondo sa panahong ito. Masasabi ng mga katulad ko na hindi na makatarungan na manghingi ng donasyon, sa dahilang may salaping nakatengga na masasabi na nasa pag-iingat ng pamunuan ng PACF na mangagaling sa bentahan ng MPC Schofields.
Ito ngayon ang nakikita kong magiging problema. Kasi dapat na maging maingat kung sino man ang napipisil na mangasiwa nang paghahanap at pagbili ng lugar na magiging kapalit ng MPC sa Schofields. Hindi madali sa palagay ko ang pamamahala sa mga bagay-bagay na ito. May pera nga para dito, pero tama ba ang lokasyon, ang laki ng lupa, at ang halaga ng napipisil para maging kapalit ng MPC Schofields?
Nangyari na ito — malaki at malawak ang MPC Schofields pero hindi bagay na pagtayuan ng anumang gusali. Nakita natin nang ilang beses, nang bumuhos ang malalakas na ulan. Ang bahagi ng Schofields ay nagmistulang lawa — ang kabuuan ng Grange Avenue na kung saan nakatirik ang MPC ay lubog sa tubig. Isipin na lang natin na ang nangasiwa sa pagbili ng lugar na ito ay isang beterano sa larangan ng realty business na nasa pamunuan ng PACF. Paano niya napili ang lugar na iyon na bilhin, kapalit ng MPC Rooty Hill?
Ito yung katanungan na magpahangga ngayon ay walang kasagutan. Suwerte nga lamang at may nagpatayo ng mga malalaking negosyo sa karatig ng Schofields.
Maulit pa kaya ang mga suwerteng tulad nito? Ang masasabi ko: “huwag na kayong maghintay.”