Maganda ba ang lugar, malaki ba o maliit ang sukat ng lupa? Malapit ba ito, o malayo sa aking panggagalingan? Ilan lang ito, sa mga katanungan na maririnig sa mga taong nakaalam na ang proyektong MPC ay ililipat na sa ibang lugar.
Maugong na maugong ang balita na naipagbili na ang lupa sa Schofields. Naibenta na. Nabili na sa halagang $2,500,000.00
Ito ang maapoy na tema ng usap-usapan at talaktakan sa komunidad ng Pinoy dito sa Blacktown, NSW nitong mga nagdaang buwan. Laking tuwa ng mga tao, lalu na yung mga taong nasa kampo nina ginoong Manny Villon at ginang Luz Tiqui. Mukhang napakalaking pasasalamat nila— pasasalamat na may nagkainteres na bilhin ang lugar na iyon kahit pa ito ay daluyan at imbakan ng tubig kapag bumuhos na ang ulan ni “Inang kalikasan” sa dakong iyon.
Abala ang pamunuan ng MPC sa paghahanap ng tamang lugar na paglilipatan ng proyektong ito. Bagama’t deposito pa lamang na $250,000 mula sa 10% ng kaukulang halaga ang kanilang natatangap ay sinisiguro na nila na pinal na at wala ng urungan sa transaksyon na bilihan ng Schofields Area.
At isa sa pinupuntiryang lugar, o kinokonsidera, ay ang 52 Princes St., Riverstone, na ang sukat ng lupa ay 1,393 metro kuwadrado, na may nakatayong Bodega (warehouse) na may sukat na mahigit 473 metro kuwadrado ang sahig na konkreto, at may opisina na ang sukat ng sahig ay 42 metro kuwadrado. Ang tanong: angkop kaya ito na pagdausan ng mga pagtitipon, na katulad ng orihinal na plano na MPC o Multi-Purpose Centre na kung tawagin natin, na talagang pinagdarausan ng mga kasayahan? Ng mga pagpupulong -pulong, handaan pag may mga bisitang sikat na Pinoy na galing sa labas ng Bansa, na maaring pagdausan din ng Misa?
Kung ito ang bibilhin, ang maaring itawag dito ay Multi Bodega Centre. maari din maging Sports Centre na pagdarausan ng iba’t-ibang laro sa palakasan. Kasya daw ang limang daang katao dito.
Magkano naman kaya ang dapat pang magastos para maisaayos itong Bodega Sports Complex . Tulad Airconditioning, Toilets, at Lockers room,. parking space, at marami pang iba. Tsk, tsk tsk.
Ang halaga daw nito ay aabot sa mahigit na $ 1,200,000. Ito naman ay kinokonsidera pa lang, baka sakali lang kung walang tututol. Sa halaga ng pinagbilhan sa Schofields na $2,500,000 hindi natin alam ang tunay na magiging neto nito, pag naawas ang mga kung anu-anong bawas-kaltas. At yung sinasabi nila na kaukulang utang na dapat bayaran ay hindi natin alam, sila lang ang nakakaalam.
Ang layo daw nito ay humigit-kumulang sa 20km kung magsisimula ka sa Blacktown CBD. Kailangan daw na bagtasin ang daang Windsor Rd., patungong Hawkesbury River. Malayo ba o may kalayuan lang?