Nakakahiyang asal ng Pinoy na Konsehal by Boy Galang

Talunan ang maitatawag ko sa isang kababayan na ikalawang beses nang nabigo sa halalan npagka-Alkalde sa konseho sa siyudad ng Blacktown.  Ikalawang pagkakataon nang pagkatalo sa halalan sa pagka-Alkalde sa naturang siyudad.

Nuong gabi ng Miyerkoles, 16 Septyembre 2015,  pumutok ang balita sa komunidad na nagtatalak nga na parang isang manok na talunan si Konsehal Jess Diaz sa konseho ng Blacktown kung saan naganap ang halalan sa pagka-Alkalde ng  siyudad.  Sinigawan at sinabihan na “Hudas” si konsehala Jacqui Donaldson, na dati niyang ka-alyado sa partido Liberal na ngayo’y tumiwalag na,  at nag-independyente na nga. At sa ikalawang pagkakataon, nuong gabing iyon ng halalan ay buong giting na ipinamalas ni Gng. Donaldson ang katapangan, nang kampihan niya ang partido Labor at iboto si Stephen Bali sa pagka-Alkalde, na siyang ikinapanalo nito, at ikinatalo naman ni kabayan Jess Diaz sa ikalawang pagkakataon din. Talunan siya. Tsk!  tsk!  tsk!  Masaklap pa na nangyari, nang palabasin siya ni Mayor Stephen Bali sa korte “chamber” ng konseho sa inugali niya.

Para na ring si Tony Abbott na sumama ang loob nang sipain ng mga kaalyado sa pagiging lider ng partido Liberal. Sa isang pagtitipon daw na dinaluhan nuong gabing iyon —  ito ay ayon sa balita na nalasing siya —   at siya ay nagwala at nanira ng mga bagay,  dahil sa sama ng loob niya sa mga kapartido, lalu na kay Malcolm Turnbull nang magtagumpay ito na mapalitan siya bilang Lider ng Partido at Punong Ministro ng Australya.

Balikan ko si  Jess Diaz na arogante at mayabang. Ito ang impresyon ko sa kanya. Sa palagay ko, pati na ang mga nakararaming Pinoy dito sa Blacktown, ganito rin ang impresyon sa kanya. Na para bagang ipinamamarali niya na siya ang kauna-unahang Pinoy na naging konsehal dito sa siyudad na ito. Totoo yun, di ba nauna nang “nagpaunggoy-unggoy” yan bago ang halalan sa Estado ng NSW,  at sa isang pagtitipon ng FAME na siya yata ang panauhing pandangal, at nang pagsalitain siya ay   nakapagbitiw nang salita, na kahit na sinong unggoy daw ang ilaban sa kanya sa Mt Druitt ay walang panalo sa kanya. Di ba malaking kayabangan at kahangalan ang mga salitang iyon?

At ngayon nga ay gusto niyang humakbang ng isang hakbang na pataas at tila ayaw niyang manatili sa pagiging konsehal lamang. Palagay ko iniisip din niyang maging State MP, o kaya maging Federal MP, baka mas mataas pa ang gusto niyang maabot. Baka gusto niyang maging Premier ng West Sydney.

West Sydney ang napabalitang gustong ipalit na pangalan ng Blacktown.

Ito yung gusto mangyari ng partido Liberal na mga konsehales sa konseho ng Blacktown. Dahil sa minorya ang partido Labor kahit na ang mayor ay miembro nito, ay walang magawa ang Labor kapag nagsulong na ang mga bagay na tulad nito dahil sa botohan, talo agad sila. At napabalita nga na isa si Jess Diaz sa mga pasimuno nitong palitan ang pangalang Blacktown.

Pero ngayon, nag- iba na ang timplada sa konseho ng Blacktown. Sa mga huling pangyayari nuong 16 Setyembre 2015, ay nagkaroon nang malaking pag- asa ang Labor dahil kay Konsehala Jacqui Donaldson na nagbitiw na sa partido Liberal. Sa kadahilanang ito, kitang-kita mo na kung kangino kakampi si Donaldson. Viva Jacqui Viva!

Updated: 2015-10-04 — 17:25:13