Sa SBS Filipino News dito sa Australya ko napanood ang opisyal na pahayag ng Comelec sa mga araw nang palistahan na itinakda nito sa mga tumatakbong kandidato para sa halalang 2016. Ito ang halalan sa pagka Pangulo hanggang sa Konsehal sa mga distritong lugar, at munisipyo sa buong kapuluan.
Ang itinakdang mga araw nang Comelec na deklarasyon ng kandidatura ng mga kandidato sa halalan 2016 ay nuong Oktubre 12-16, 2015.
Inabangan ko na panoorin sa SBS Filipino News mula sa unang araw, kung sino sa mga seryosong kandidato ang mangunguna sa pagdeklara ng kanilang kandidatura sa pagka-Pangulo at pagka-Pangalawang Pangulo ng Pilipinas sa halalan na nakatakdang ganapin sa Mayo 9, 2016. Ang SBS Filipino News dito sa Australya ay “delayed telecast”, laging atrasado ang pagpapalabas dito ng isang araw. Kaya yung unang araw na palistahan na itinakda ng Comelec , Oktubre 12, 2015 ay naipakita nuong kinabukasan ng 13 ng Oktubre 2015, at ang nanguna nga na nagdeklara ng kandidatura ay ang tambalang Binay at Honasan sa pagka-Pangulo at pagka-Pangalawang Pangulo. Si Bongbong Marcos naman ay nagdeklara ng kandidatura niya sa pagka-Pangalawang Pangulo na walang katambal nuong Oktubre 13, 2015, pero hinabol siya ni Sen. Miriam Santiago na parang nagkaroon ng ‘”crush” sa kanya at nagdeklara ng kandidatura na tatakbong Presidente na katambal niya (Marcos) noong Oktubre 16, 2015.
Ang tambalang Grace Poe at Chiz Escudero, at ang tambalang Mar Roxas at Leni Robredo ay halos magkasabay na nagdeklara ng kani-kanilang mga kandidatura nuong Oktubre 15, 2015. Si Rodrigo Duterte naman ay maaga rin na nagdeklara na hindi tatakbo sa pagka-Pangulo, pero sa mga huling balita ay nagdeklara rin ng kandidatura bilang Mayor na lang sa Davao city.
Mantakin mo na may mga kandidato na magdedeklara lang ng kandidatura ay may hilang daan-daang tao na alalay, kaya ang tanawin sa labas ng gusali ng Comelec — yaong Palacio del Gobernador — ay tila pista ng nayon at kung magkakasabay na dumating ang mga ito, parang “miting de avance” ang senaryo. Sabi nga ng opisyal ng Comelec na tatlong tao lang ang puedeng papasukin para umasiste at umosyoso sa kanilang mga kandidato.
Sa palagay ko, sina Mar Roxas at Grace Poe lamang ang magiging mahigpit na magkalaban sa pagka-pangulo. Si Jojo Binay naman ay wala talagang pag-asa na manalo dahil sa bigat ng mga bagaheng dala-dala niya. Ito yung bigat ng yaman na karga-karga niya na sabi ay galing sa kurapsyon, kaya sa palagay ko ay hindi siya makararating sa “finish line” dahil sa sobrang bigat!
Si Madam Miriam naman ay popular lang dahil sa kanyang mga “punch line.” Pamoso siya, puedeng-puede siyang maging stand up comedian. At hindi niya mauutusan ang mga pinoy na kalimutan na lang ang nangyari, ang mga nakaraan, talikuran ang masaklap na hirap at sakit na inabot ng mga pilipino sa dalawangpung taon na diktaduryang pamamahala ng mga MARCOS!
Isipin na lang na kung si Miriam ang magiging Presidente, dadaigin pa niya si Marcos. Nakita natin ang inaasal niya sa Senado, siya lang ang magaling “bukod-tangi.” Nakita ko kung paano niya laitin ang isang abogado nuong kasagsagan ng “Corona Impeachment Case” na dininig sa Senado. Lalu na kung siya pa ang maging Presidente, baka maya’t-maya may pinababaril at pinakukulong siya nang walang pakundangan.
Panalangin ko sa Diyos at pakiusap ko sa mga kababayan natin na huwag ilagay sa poder ng kapangyarihan ang mga MARCOS, lalu na ang pangalang Ferdinand Marcos kahit junior lang siya.
At para sa mga panggulo na tumatakbo sa pagka-Pangulo — una na si Pamatong, si Syjuco Jr., at iba pa, itong mga iba pang ito na lagi na lang nagdedeklara ng kanilang kandidatura sa pagka-Pangulo, tuwing may “Presidential Election” na lang, matawagan ko kayo ng pansin, kundi kayo sikat na artista, o boksingero. Hindi kayo propesyonal at hindi kayo kabilang sa mga pamilya na ubod ng yaman, huwag na kayong kumandidato para maging Presidente! Mag-isip muna kayo, o kaya subukan muna ninyo na sumabak sa eleksyon ng mga barangay tanod, ito ang pinaka-unang hakbang sa mga katulad ninyo na nagbabalak na pumalaot sa larangan ng pulitika, at, ito ang pinakamabisang sukatan ninyo kung may kalalagyan kayo sa larangang ito. — Boy Galang