Isang Linggo makatapos ang Pasko, lilipas ang lumang taon 2015, saglit lang ito, at Bagong Taon na naman — 2016.
Si Tony Abbot saglit rin lang naging Prime Minister ng bansa, mahigit isang taon lang, “Bloodless coup” kung ihahalintulad sa “coup d’etat” — hindi madugong pagpapalit ng pamunuan sa gobyerno. Ang coup d’etat ay kagagawan mismo ng partido niya, ang partido Liberal. Wala naman siyang ginawang katiwalian na maging dahilan para siya mapatalsik sa kanyang puesto bilang pinunong ministro ng bansa.
Bumaba lang nang bumaba ang rating niya sa mga survey. Isa sa naging dahilan ng pangyayaring ito ay ang kontrobersyal na budget 2014 ni Joe Hockey na kanyang Ingat-yaman. Ang budget na ito ay sinuring mabuti sa Senado at hindi ito nakapasa sa mataas na kapulungan ng parliamentarya. Kaya ang tambalang Abbot at Hockey ay tila naging mabigat na pasanin ng partido Liberal. Sa unang pagkakataon nuong ika-9 ng Pebrero 2015 nagsusog ng panukalang magkaroon nang eleksyon para sa bagong pamunuan ng partido Liberal, sa dahilang dumarami ang nau-unsyami sa pamumuno ni Tony Abbot. Sa kasamaang-palad, hindi naging matagumpay ang panukalang ito nina Luke Simpkins at Don Randall na kapwa Federal MP sa WA. Natalo ito sa botong 61 ayaw sa panukala, laban sa 39 na may gusto nito. Walang lumaban, kaya nadiskaril ang panukala.
Buwan ng Setyembre nang umugong ang usap-usapan na may bantang hamon na naman sa pamumuno ni Tony Abbot. Sa ikalawang pagkakataon ay lumutang ang pangalan ni Malcolm Turnbull na siyang naging paksa ng usapang ito. Noóng ika-14 ng Setyembre 2015 ay nagpanukala si Turnbull na magkaroon ng eleksyon para sa liderato ng partido Liberal, at nagpahayag siya ng kanyang kandidatura bilang lider nang partido.
Noóng araw na yon nagtawag ng pulong si Tony Abbot ng mga ministro ng kanyang kabinete at sa parliamentaryo at mga senador, at ng gabing iyon naganap ang makasaysayang pagpapatalsik sa kasalukuyang pinunong ministro ng bansa.
Si Malcolm Turnbull ang nagwagi sa eleksyon. Siya ay nakakuha ng botong 55, laban sa 44 ni Abbot. Ganito kasimple ang mga pangyayari, katulad na katulad ng mga pangyayari nuong panahon ni Kevin Rudd.
Walang mga rally, walang mga martsa, walang sunugan ng mga- imahen o larawan ng mga lider, walang kaguluhan, wika nga nila.
Kaya nuong ika-15 ng Setyembre 2015, si Malcolm Turnbull na ang bagong Punong Ministro ng Australya.
Pero sa tutoo lang, walang ipinagbago. Mukhang anino pa rin ni Joe Hockey yaong nasa likuran ng mga panukalang buwis na nakasaad sa budget. Walang pagbabago. Ganoon pa rin karami ang mga makararanas ng pagkatalo. Apektado ang mga pamilya — mga pensionado at mga senior citizens — sa edukasyon, sa kalusugan, pagbawas sa public service, pagdami ng mga walang hanap-buhay. Bawas suporta sa mga kabataan, sa mga nag-aaral sa unibersidad, sa mga taong may kapansanan, mga may mabababang sahod, mga aborigines, public broadcasting, at marami pang iba. GANOON PA RIN!
Ang nakatatakot pa nito ay ang panukalang karagdagang GST, mula sa 10% balak gawing 15% o 20% pa yata. Nakakanerbyos dahil sa kagustuhan nilang makalikom ng bilyon-bilyong dolyares na nakalaan para may gagastahin sa mga imprastraktura na proyektong federal at estado. Apektado ang lahat lalu na ang mga mahihirap na kapwa ko.
Ang Doonside Station na napag-iwanan na ng panahon. Hangga ngayon kung ilang taon na ang nagdaan ay reklamo pa rin ng mga naninirahan dito sa Doonside. Walang elevator para sa mga matatanda at may kapansanan sa estasyon ng tren. Hirap ang lahat dahil sa pag-akyat sa rampa at hirap pa rin sa pagbaba ng hagdan para sumakay sa tren. Ganoon pa rin ang hirap na daranasin pag-uwi. At isa pang kahilingan ang pagkakaroon nang “car parking” para sa libong empleado, at mangagawa na may sasakyan, na ang ginagawang paradahan ay ang paligid ng estasyon na hindi magandang tanawin. Ang daing na ito ay matagal na, at tila bingi si Mike Baird na hindi naririnig ang karaingang ito. Pilit na sinasabi pa na walang pondo para dito. Kasinungalingan ito. Sa palagay ko, ang tunay na dahilan, ay sakop ito ng Blacktown at ang mapalad na nakaupong ministro ng estadong ito ay si John Robertson na miembro ng partido ng Labor. Hindi magandang ang dahilan, hindi makatarungan , Kailan pa kaya?
Maligayang Pasko po at Manigong Bagong Taon sa lahat!