Moralidad, kagandahang-asal, at kagandahan ng pag-uugali—masasabi ko na isang katangian ng isang mabuting mamamayan. Ito ang dapat na maging katangian ng isang mabuting pamunuan ng isang samahang katulad ng Philippine Community Council (PCC) na sinasabing “umbrella organisation kuno”. Kailangan may mataas na moralidad ang mga namumuno nito. Walang bahid dungis, walang kalawang. Kapag ang isang kasapi ng pamunuan ay kuwestiyonable ang moralidad at patuloy na tinatangkilik ng pamunuan, at walang hakbang na ginagawa laban dito, ibang usapan na ito. Isa itong masamang halimbawa hindi dapat pamarisan ng iba. Dito nagsisimula ang kalawang, at anumang tibay nang bakal ay unti-unting malulusaw. Hind ito magandang halimbawa sa isang organisasyon tulad ng PCC.
Lahat tayo may asal at ugali, kaya tanungin nating palagi ang sarili kung maganda ang asal at ugali natin. Nababago ito, pero kung ipagpapatuloy mo na mababa ang moralidad mo, at hindi ka nagbabago, hindi ka nararapat na makabilang sa pamunuan ng PCC. Hindi ka kailangan manatili sa puwesto bilang “Vice President-External” o pangalawang pangulong panlabas ng samahang ito.
Sabi nila personal daw ang isyung ito. Natural, ang moralidad ay isang personal na isyu, ugali at asal, ito ang pinag-uusapan dito at maraming nagpapatunay sa mga alegasyon laban sa pangalawang pangulo panlabas ng PCC.
Alric Bulseco, (hindi ka nararapat tawaging ginoo) kung may natitira ka pang karangalan sa iyong pagkatao, dapat ay magbitiw ka na sa PCC.
Ang GST ay balak gawing 15% — pati pagkain kasama sa pagtaas.
Pangako nina Abbott at Hockey nuong kasagsagan ng kampaya nila bago mag eleksyon 2013 na walang bagong buwis na ipapataw, at ang GST ay hindi gagalawin, at pagnanalo sila ay tanggal ang Carbon at Mining tax.
Nanalo sila. Umasa ang mga tao na tutupad sila sa mga pangakong binitiwan, tanggal ang Carbon at Mining tax kaagad-agad. Ito lang yata ang pangakong natupad nila. Pero nuong ilahad na ni Joe Hockey ang Budget 2014, namangha ang lahat ng tao, mahirap at mayaman, lalo na ang mga mahihirap nang mabasa ang napakaraming buwis na ipapataw na nakasaad sa napakahabang listahan.
Dito nagsimula ang kalbaryo nina Abbott at Hockey nang hindi makapasa sa Senado ang Budget 2014. Binusising mabuti ng magkabilang panig ng oposisyon.
Dito na nagsimulang tumaas ang bilang ng mga mamamayang hindi nasisiyahan sa pamumuno ni Abbott at sa ingat-yaman niyang si Hockey. Nuong buwan ng Setyembre nang mapatalsik siya ni Malcom Turnbull sa liderato ng Partido Liberal at sa pagiging Punong Ministro ng bansang Australya.
Biglang lumobo ang bilang ng mga mamamayan na nasiyahan kay Turnbull na naging Punong Ministro ng bansa. Naging katanggap-tanggap siya sa partido Liberal na maging kapalit ni Abbott.
Sa taong ito 2016, nakatuon ang pansin ng mga mamamayan sa GST na may karagdagan, mula sa 10% ay magiging 15% na. Diyos por Santo, pati pagkain ay kasama sa karagdagang buwis na ito. Araw-araw na gastusin, pagkain sa umaga, tanghali at gabi, karagdagan buwis ang kasasapitan ng mga kaawa-awang mamamayan, at maririnig na naman ang kasabihan na “mababawasan ang tinapay sa mesa.”
Ang mga naglalakihang Kompanya na bago magbayad ng buwis ay kailangan umabot ng higit sa $100 milyong dolyares ang kita.at may balita na tataasan pa ni tresorero Scott Morrison ng $200 milyon dolyares ang kita ng mga kompayang ito bago patawan ng buwis — ito ang bagong panukala. Kaya pagkakataon na naman ng mga naglalakihang kompayang ito na makapandaya ng malaki sa kuwentahan sa babayaran nilang buwis, sa dahilan na napakadaling itago ng mga batikang “Tenedor-de-libro” ng mga kompanyang ito ang mga “magik” sa mga mapanuring mata nang Taxation Office.
Ginoong Turnbull at Ginoong Morrison — makatarungan ba ang hakbang na gusto ninyong mangyari? Wala kayong budhi, mas masahol pa kayo kay Abbot at Hockey. Makatarungan ba na na pahirapan ang mga mahihirap na mamamayan makalikom lang kayo ng pera?
Samantala, ang mga bawas pondo sa pangkalusugan at sa mga mag-aaral sa unibersidad ay nanduon pa rin. Paano na ang mga walang hanap-buhay at may mga kapansanan, mga retirado at pensiyonado, mga “single mothers” at iba pa. Paano na lang sila?
Sana ay maging masagana ang 2016 para sa lahat! – By Boy Galang