Katatapos lang ng taong 2015, at kasisimula pa lang ng taon at eto na, Pebrero na kaagad. Napakabilis lumipas ng panahon. Umuusad ba o tumatakbo? Aling kataga ba ang nararapat gamitin? Kapag lumilipas, kumukupas. Siyempre pa, tumatanda ang mga bagay-bagay at ang mga buhay paglipas ng panahon. Sa kanta ni Florante “tatanda at lilipas rin ako ngunit mayroong awiting iiwanan sa inyong alaala“. . .
Panalingin ko na sana, ang mga tumatanda na may ugaling hindi maganda ay magbago na, at matuto sa mga nakaraang kamalian na bunga ng masamang pag-uugali. Huwag ipamarali ang mga asal na hindi katangap- tangap dito Australya.
May napuna ako na may kahalintulad na pag-uugali ang ilan sa mga Dabawenyo na naninirahan dito. Yung napabalitang pambababae ng isang nanunungkulan sa pamunuan ng isang organisasyong Pinoy dito sa PCC-NSW, at iyong isa sa mga kandidato sa pagka-Pangulo ng Pilipinas sa darating na eleksyon sa Mayo sa taong ito. Yung Punong Lunsod ng Davao na si Digong Duterte na hayagan ipinagmamalaki ang pagiging “babaero” niya at walang kahiya-hiyang isinapubliko ang tungkol sa pag-uugaling ito.
Parang sinabi pa niya sa isang panayam na “lonely siya pag gabing wala siyang kasiping” sa pagtulog. Hindi lang pambababae niya ang naisiwalat, kundi pati yung walang habas na pagpatay sa mga nagkasala na lumabag ng batas sa siyudad ng Davao. Di ko lang alam kung gusto niyang malampasan, o nalampasan na niya ang rekord ng mga Ampatuans sa Maguindanao sa dami ng mga napatay na karamihan pa ay mamamahayag na katulad namin. “Kamay na Bakal” ang ginamit nang mga Ampatuans sa pamamahala ng Maguindanao, at ito ang ipinagmamalaki ni Digong Duterte na plataporma niya na pamamaraan ng pamumuno kapag siya ang nahalal na pangulo ng Pilipinas.
Ang pagiging “babaero” ang isa sa matinding dahilan nang pagiging kurapt ng isang nanunungkulan sa gobyerno, mula sa mga barangay, konsehal, mayor, gubernador, kongresista, senador, husgado, hepe ng mga sangay ng gobyerno, Bise at Presidente at iba pa.
Mga “babae na mala-artista ang dating, kulay mais ang buhok na mestisahin at bata at sariwa.” Ala eh, ito ang tipo na hanap ng mga may mataas na posisyon sa gobyerno na mahihilig. Hindi naman lahat, sa mga mahihilig lang. Mga babaeng gustong-gusto nila na madaling bihagin dahil madaling masilaw sa ginto. Sa mga babaeng nasilaw naman ay ganito ang nasa kaisipan — “si daddy madaling lokohin, konting karinyo ko lang mamaya sa kama, makapagpapabili na ako bukas ng bahay at magarang kotse at mga mamahaling kagamitan — kasama na rin ang mga kapatid ko at magulang sa mga biyayang ito.” Ginto na ginawang panilaw. Ginto na galing sa kaban ng bayan na abot-kamay ng mga may mataas na posisyon sa gobyerno.
Kapag si Digong Duterte ang naging pangulo, di lang dalawa ang magiging babae nito. Hindi siguro mabibilang. At tapos ang maliligayang araw ng mga Pinoy. Patay ang mga kriminal at mga inosenteng mamamayan at mamamahayag na mapaghihinalaan na gumagawa nang hakbang laban sa kanyang pamamahala. Walang korte-korte, walang korte suprema dahil yung mga husgadong kabilang dito sa mga korteng ito baka isa-isang maglaho na parang magik. Baka pati senado at kongreso babalewalain niya. Wala siyang irerespeto. Lahat ng taong lalabag sa kanyang kagustuhan “goodbye Pilipinas”.
Kung mahahalal siyang pangulo ng Pilipinas, ito ang magiging “tiket” niya tungo sa pamamaraan nang pamumuno na gustong-gusto niya! Sa puntong ito malamang na magkakagulo na naman sa Pilipinas. Hindi ko alam kung panibagong pagpapatalsik sa gobyerno, martsa ng mga militante, sigaw na rebolusyon o kaya pagsasakdal sa pangulo (impeachment) dahil sa maling pamamahala ng gobyerno. At malamang na magkaroon ng ganitong kilos protesta na malawakan sa bansang Pilipinas.
Napakasamang pangitain di po ba kapag ito ang pinili ng mga Pilipino na maging pangulo sa darating na halalan sa Mayo. Hindi po maganda ang magiging kahihinatnan.
Ang malayang pamamahayag ng mga manunulat sa pahayagang ito ang magsisilbing ilaw sa daan ng katotohanan at walang anumang lason na makapagbabago at makapipigil sa isang katulad ko na ihayag ang mga katotohanan na nasa kaisipan, puso at damdamin ko . . . Gumagalang … Ito po si Boy Galang