Sa buwan ng Mayo 9, 2016 ang nakatakdang eleksyon sa bansang Pilipinas. Panalagin ko sa Diyos — sana ay maging maayos ang halalang magaganap sa ating bansa, at sana huwag magsipagwagi ang mga tiwali at korap, at siga-sigang kandidato sa pagka-Pangulo ng ating inang bayan.
Sana, si Senador Bongbong Marcos ay mabigo sa kanyang kandidatura sa pagka-pangalawang Pangulo ng bansa. Tila hindi siya nagsisisi sa mga ginawa ng kanyang diktador na ama. Wala raw siyang kasalanan na nagawa. Katuwiran niya — “ang kasalanan nang ama ay hindi kasalanan ng anak.” Pero, paulit-ulit na sinasabi niya na kung naipagpatuloy nang ama ang pagiging diktador ay malamang daw na parang Singapore ang mangyayari sa bansang Pilipinas. Diyos Por Santo! Kung hindi pala naibagsak ang kapangyarihan ng kanyang amang si Ferdinand, malamang na sila na (Marcoses) ang magmamay-ari ng Pilipinas.
At dito sa atin, sa Australya, ang pambansang halalan ay hindi pa tiyak kung magaganap rin sa Mayo o sa Hulyo ng taon ding ito. Hindi ako kabilang sa anumang partido dito sa Australya pero mas gusto ko ang partido ng Labor na kung saan sila ang lumalabas na partido ng MASA. Ang partido Koalisyon Liberal at Nasyonal ay samahan ng mga Oligarkiya o ng iilan na may kapangyarihan. Karamihan sa kanila ay mga negosyante at masasabi ko na si Malcome Turnbull ay isa rito.
Kabilang ako sa mga taong mapagmasid sa mga larangang tulad nito. At ang aking mapanuring mga mata at kaisipan ay nakatuon rin sa halalang magaganap sa bansang Amerika sa Nobyembre. Maraming mga naganap na dibate nitong mga nakaraang araw. Ang bilang ng mga magkatungali sa partido “Republican,” ay unti-unti nang nababawasan mula sa orihinal labing-pito na kandidato sa pagka-pangulo. Sa kasalukuyan, ay anim na lamang ang natitira na nangangampanya. Ang nangunguna ay ang mangangalakal na si Donald Trump. Kung siya ang mapipiling pambato ng “Republican” sa aking palagay ay muling magwawagi ang partido ng “Democrat.”
Dalawa lamang ang pinagpipilian sa partidong ito, si Bernie Sanders at si Hillary Clinton. Sino man sa kanila ay may kakayahang talunin si Trump.
Kung ako ang tatanungin — mahirap ipagkatiwala kay Donald Trump ang pagkapangulo ng isang bansang makapangyarihang na tulad ng Amerika. Sa mga [naganap] na interbyu sa kanya, marami siyang mga sinasabi na walang katiyakan. Ipinagmamalaki niya na sarili niyang pera na galing sa kanyang bulsa ang ginagastos niya sa kampaya. Tama nga, pero sa totoo lang, magkano ba naman ang sahod ng pangulo ng Amerika? Nuno ng gulang si Trump. Hindi kaya niya babawiin ang mga ginastos niya sa pailalim na pamamaraan? Negosyante si Trump. Apat na beses na nagdeklara ng bankruptcy. Pero sa hindi maipaliwanag na pamamaraang sistema na kanyang ginawa, na siguro ay may kakutsaba, ay nagawa niyang itago ang pera niya. Hindi lamang minsan. Sa ika-apat na pagkakataon, matapos siyang ma-bankrupt, muli at muli siyang nakabangon.
Bukod-tanging siya lamang ang alam ko na kabilang sa mga bilyonaryo na nagdeklara nang apat na beses na nabankrupt pero nakatayo nang apat na beses din at naging bilyonaryo pa. Paano iyon nangyari? Paano niya nagawa? Sa aking palagay, mahirap ipagkatiwala kay Trump ang ekonomiya ng Amerika.
Mga ilang dibate pa, kawkus at primarya ang magaganap bago mapili ng partidong ito ang pambato na kandidato sa pagka-pangulo. Malamang, sa kalagitnaan ng Hulyo nang taong ito ang magiging kaganapan ng lahat. At magiging opisyal na ang pag anunsiyo nang mga kandidato sa pagkapangulo ng partido “Republican” at partido “Democrat” sa halalang gaganapin sa buwan ng Nobyembre ng taong ito.
Malaking karangalan na mahirang na Pangulo ng bansang Amerika, pero napakalaki at napakabigat na responsibilidad din ang papasanin at dalahin sa balikat.
Mga bansa sa apat na sulok ng daigdig — ang kapayapaan na ninanais makamtan — ang katatagan ng ekonomiya na sana ay makamit. Lahat ay nakasalalay sa magiging patakaran ng bagong pangulo ng Amerika.
— Boy Galang