Ito po ang inyong lingkod, na nagbibigay galang sa inyong lahat na mambabasa ng Philippine Sentinel. Sa ika-2 ng Hulyo magaganap ang pambansang eleksyon dito sa Australia. Nabanggit ko noóng nakaraang buwan na ako’y hindi kabilang sa anumang partido.
Para sa akin ay hindi maganda ang tinatahak ng pamahalaan ni Malcolm Turnbull. At ito ay ayon na rin sa mga balita na naririnig ko sa radyo tuwing umaga, pati na rin sa telebisyon, at sa mga tinatalakay sa Canberra ng mga Representante ng magkabilang panig.
Ang Partido koalisyon ng Liberal at National sa isang panig na pinamumunuan ng Punong Ministro ng Australia na si Malcolm Turnbull at mga ministro ng kanyang gabinete. Sa kabilang panig nito ay ang Partido ng Labor na pinamumunuan ni Bill Shorten at ng kanyang “Shadow Cabinet.”
Ito ang Kapulungan (kamara), ang lugar na siyang larangan ng labanan. Harapan ito. Dito tinatalakay ang programa ng kasalukuyang pamahalaan at mga panukalang batas nito, na ang layunin ay matugunan ang mga pangakong binitiwan noóng panahon ng halalan. Mga salaping gugugulin at ilalaan sa mga programang ito na ang may akda ay lipas na. Panahon pa ni Tony Abbott at Joe Hockey ang mga programang ito na hanggang sa ngayon ay walang linaw.
Taliwas ang mga pangyayari. Ang usapan ngayon sa Canberra ay ang perang kakaltasin at hindi gugugulin, at ang mga buwis na itataas at hindi tatapyasin. Ang GST na balak itaas ng 15% mula sa 10% na napabalitang ibinasura ay wala pang katiyakan kung talagang nailagay na sa basurahan. Ito ang mga ilan sa bagay-bagay na kasama sa programa na bitbit nila sa darating na eleksyon ngayong taon.
Ang “Gonski School Funding” ay itinigil na sa taong ito. Ang salaping balak gugulin ay para sana sa mga bata na magkaroon ng magandang edukasyon at kinabukasan. At ang pangako nila na palawigin ang pondo noóng nakaraang taong 2015 na para sa lahat ng mag-aaral na may kapansanan ay tila natigil na rin. Sa hindi pagpapatuloy ng pondong dapat ilaan sa mga bata ay mawawalan ang mga ito ng pagkakataon na makamit ang magandang edukasyon para sa kanilang kinabukasan.
Ang “Child Dental Benefits Schedule” ay hindi na rin ipagpapatuloy. Sa kasalukuyan ay may 1milyong bata sa Australia ang nakikinabang sa programang ito. Ang pangangalaga sa kalusugan ng ngipin ng mga bata ay mahalaga. Isang malaking gastusin para sa magulang kung ito ay mahihinto.
Ang nakalaang pondo para sa pangkalusugan ay nabawasan na ng napakalaki nitong nakaraang 2 taon ng pamahalaang Liberal: $60 bilyones ang halaga na kasama na rito yung $57 bilyones ang nabawas para sa mga hospital; at $650 milliones ang nabawas galing sa tinatawag na “medicare rebates for pathology and diagnostic imaging.”
Napabalita na ang “Medicare, pharmaceutical and aged-care benefits” ay ilalagay na sa pangagasiwa ng pribadong sektor. Diyos ko! tiyak na matutuloy na ang $7.00 na bayad tuwing bibisita sa mga GP. Panibagong sibakan na naman ng mga kawani sa pamahalaan.Yung mga pribadong detalye nating mamamayan ay mababatid na ng publiko.
Nangangahulugan na naghuhugas sila ng kamay na nadumihan doon sa unang “budget” nila na pakana ni [Joe] Hockey. Hindi sila makapagtaas ng buwis kaya kinuha na lang nila sa pondo ng edukasyon at pangkalusugan ng mga mamamayan, bata man o matanda sa Australia.
Tinanggal nila ang Mining Tax at Carbon Tax. Ang maliliit na taong tulad natin ang pinahihirapan. Balak pa nilang patawan ng buwis ang mga “backpacker” na ang kinikita ay kapiranggot. Ayaw nilang buwisan ang mga malalaking kumpanya na kumikita na daang-daang milyones, na ang “threshold” ay itataas pa yata mula sa $100 ay gagawing $200 milyones na paghumigit sa “threshold” doon pa lang nila papatawan ng buwis. Kung ang deklarasyon na kinita ng malaking korporasyon ay $200,000.50 milyones, Mahabaging Diyos! Paano mo papatawan ng buwis yaong $0.50? Tama ba ang kuwenta ko?
Sa kasamaang palad, ang binagong batas sa paghirang nang mga senador ay naipasa na nuong nakaraang linggo. Tuloy na ang eleksyon sa buwan ng Hulyo. At wala ng mga senador na magbubusisi ng kanilang panukalang batas na hindi makatao at makatarungan. IBOTO ang LABOR sa susunod na halalan!
by Boy Galang