Donald Trump sa pagka-pangulo ng Estados Unidos—Siya ang maugong na pangalan na maririnig sa mga nagdaang pulong ng partido o ‘caucus‘ na naganap na sa iba’t-ibang panig ng bansang Amerika.
At may magaganap pa na mga ‘caucus‘ patungo sa nalalapit na kombensiyon ng Partido “Republikan”, sa dahilang wala pang nakakuha ng sapat na bilang na mga delegado. Kaya tuloy pa rin sa pangagampanya ang tatlong natitirang magkatunggali na nominado kung sino ang mahihirang na maging opisyal na kandidato sa pagkapangulo ng partido Republikan sa halalang magaganap sa Nobyembre ng taong ito. Ganito rin ang pamamaraan ng partido Demokrat sa pagpili ng magiging opisyal na kandidato nila sa pagka-pangulo ng Amerika sa naturang halalan.
Kung baga sa sabong ay llamado sa kasalukuyan si Donald Trump na siyang nangu-nguna sa tatlong magkatunggali. Pangalawa si senador Ted Cruz at nasa kulelat na posisyon si Gov. John Kasich ng Ohio. Unahan ang tatlong ito na makakuha ng bilang na 1237 na delegado.
Si Donald Trump sa kasalukuyan ay may hawak na 843 na delegado, si Ted Cruz naman ay may tangan ng 553, at si John Kasich na nasa ikatlong malayong posisyon ay may 148 na bilang lang na nasa kanyang kamay. Kaya malamang na umabot sa kombensiyon sa Hunyo ang labanang ito.
Sa huling pagpupulong ay magkakaroon ng botohan kung sino ang mapipiling kandidato opisyal ng partido Republikan. Ito ay patakaran ng partido na siyang sinusunod sa tuwing may halalan sa pagkapangulo ng bansang Amerika. Kung si Trump ay kaagad na nakakuha ng kaukulang bilang na 1237 delegado ay wala ng eleksyon sa kumbensiyon, at siya nang tiyak ang madedeklarang opisyal na kandidato ng partido Republikan sa pagka-pangulo ng Amerika sa darating na halalan.
Ito ang pangamba ng grupo ni Trump kahit na popular siya sa kasalukuyan. Walang katiyakan na siya ang mahahalal na kandidato opisyal ng partido sa kumbensiyon sa Hunyo. Marami sa pamunuan nang partido Republikan ang may duda sa kakayahan ni Trump na maging Pangulo ng Amerika. Sa mga pahayag ni Trump nitong mga nakaraang araw ay halos walang kabuluhan ang mga sinasabi niya. Baligtarin siya at ang rason niya ay “flexible” daw siya, walang saysay ang kanyang mga sinasabi. Magtatayo ng pader sa Mexico, magdedeport ng mga milyong illegal na migrante, walang muslim na makapapasok sa bansa, at marami pang iba. Sige kayo! Baka pagsisihan ninyo pag naging presidente ng Amerika si Trump.
Magugulo ang buong mundo. Hindi lang ang Amerika ang magugulo kung hindi ang apat na sulok ng daigdig. Si Putin ng Russia ay pangisi-ngisi na. Nakababahala ang ikinikilos ng bansang Tsina. Lubos na agresibo ang kilos nila sa South China Sea (SCS). Ang pagtatayo ng mga infrastraktura militar sa paligid nito, mga paliparan, mga missile nito na nakatutok sa iba’t ibang bahagi ng Asia, at ang regular na pagbabantay ng mga barkong pandigma sa paligid ng SCS ay nakapangi-ngilabot. Ang mga maliliit na bansang nakapaligid dito na mas may karapatang mag-angkin ng mga bahagi nito, ay maglalaho at tuluyan nang mawawalan ng karapatan. At ang Tsina ang maghahari sa bahaging ito ng Mundo.
Ito ay isa lang sa pangamba na maaring maganap kapag ang naging Pangulo ng Amerika ay walang kaisipang malalim na katulad ni Trump.. Tayo, dito sa Australia ay dapat na mabahala rin, at sana ay huwag nating ibigay ang lubos na pagtitiwala sa TSINA!
Ang maririnig sa usap-usapan ay ang kahinaan ng Amerika sa kasalukuyan administrasyon ni Barack Obama. Ayaw na ng mga Amerikano sa Demokrat. Kung si Trump ang magiging opisyal na kandidato ng Republikan sa eleksyon, malamang na Demokrat na naman ang susunod na pangulo ng Amerika. Sino man kina Clinton at Sanders ay may kakayahan na talunin si Trump.
Nakapanghihinayang ang pagkakataong makakawala sa kamay ng partido Republikan.