Sa naganap na pambansang halalan nuong nakaraang Mayo, naging mapalad na mahalal na pangulo ng bansang Pilipinas si Rodrigo Duterte. Marami ang natuwa.
Subalit sa aking palagay, mas marami ang nalungkot at natakot dahil sa pag-alala kung ano na ang kahihinatnan ng ating bansa sa kamay ng isang namumuno na tulad ni Duterte. Hindi ko makalimutan ang binitiwang salita ni Senador Trillanes sa isang panayam sa kanya, na si Duterte ay “lunatic.” Sa salitang kalye, si Digong ay may “topak” sa ulo.
Natatandaan ko rin nuong bago mag-eleksyon 2010 sa kasagsagan ng kampanya ng magkabilang panig — partido Liberal at partido Nacionalista. Binansagan si Noynoy na “Penoy abnoy” ng kampo ni Mar Villar. Tila ang pasimuno nito ay si Senador Alan Peter Cayetano. Inihahantulad ko lang kung may hawig ito sa mga naganap ngayon.
Mukhang tama si Senator Trillanes na tawagin niyang “lunatic” si Duterte. Nabasa ko kamakailan yung “psychological assessment report” na ginawa nuong taong 2000 ni Natividad Dayan na isang kilalang psychologist sa Pilipinas. Ayon sa report, si Duterte ay may “Anti-social Narcissistic Personality Disorder“. Ibig yatang sabihin ay extremely self-conceited. Sa tagalog ay sukdulan ang paniniwala na siya ang pinakamagaling sa lahat. Sa sariling paniniwala ni Digong, lahat ng gawin niya ay tama at walang mali. May ugali siya na mapanlait at hamakin ang karapatan nang isang nilalang. At ayon pa rin sa report, siya ay walang kontrol sa sarili, pabigla-bigla, mapusok at hindi nag-iisip. Wala siyang pagsisisi at palaging may pagmamatuwid sa lahat ng mga kamaliang nagawa niya.
Ang Assessment Report na ito ni Ms Dayan ang naging dahilan na mapawalang-bisa ang kasal ni Digong sa kanyang unang asawa na si Elizabeth Zimmerman. May palagay ako na may halong “domestic violence” ang pagsasama ng mag asawang Digong at Elizabeth!
Sangkot din si Duterte sa mga “extra-judicial killings” — mga pagpatay ng mga inaakalang nagtutulak ng bawal na droga na hindi na kinasuhan. Wala kayang mga “collateral damage” na tulad ng mga inosenteng tao na napapatay din? Mga inosente na nataon lang na nanduon nang maganap ang pagpatay sa mga naturang ‘kriminal.’
Pinalad siyang manalo sa halalan, dahil hindi naisiwalat na mabuti sa mamamayan ang tunay niyang pagkatao. Hindi siya nabusising mabuti ng mga dalubhasang kritiko. Parang naloko ang mga mamayan na bumoto sa kanya. Tama rin sa palagay ko si Senador Trillanes nang ihayag niya ang mga bank account nito na naglalaman ng malalaking halaga, at ang mga pag-aaring lupain nito, na ayon naman sa kanya (Duterte) ay bigay lamang ni Pastor Quibuloy. At ang libreng gamit ng pribadong Jet at Helicopter na pag-aari pa rin ni Pastor Quibuloy nuong panahon ng kampaya. At ngayon na naging Pangulo na siya, ay tuluyan nang ipinagagamit sa kanya nang libre ang mga ito sa pagbiyahe niya sa araw-araw sa Malacañang mula sa Davao.
Nakapagtataka ang relasyon niya kay Pastor Quibuloy. Mayroon bang ibang pinangagalingan ang pera ni Quibuloy na ina-abuloy na lang basta-basta kay Duterte? Di kaya ito pera ng kongregasyon niya na galing sa abuloy at ina-abuloy naman niya kay Duterte? Nagtatanong lang po ako.
Ang isa sa “marching order” ni Duterte pag-upo niya bilang Presidente ng Pilipinas, ay ang pagpapalibing sa labi ni Marcos sa Libingan ng mga Bayani, at ang dahilan niya ay dahil naging sundalo at pangulo ng Pilipinas.
Naging sundalo nga si Marcos pero hindi siya namatay sa digmaan upang matawag na isang bayani. Nabisto nga na puro huwad ang mga medalyang nakakabit sa uniporme niya. Si Marcos ay nagpahirap sa masang Pilipino, at nagpapatay sa maraming Pilipino — mga aktibista, manggagawa, mga mamamahayag at iba pa.
Nagpahirap sa bansa — Ipalilibing sa Libingan ng mga Bayani? MAGHUNOS-DILI KA GINOONG DUTERTE, IPALIBING MO NA LANG SIYA SA TABI NI BAYANI CASIMIRO!
At sa mga kumandidato sa pagka-pangulo ng Pilipinas nuong nakaraang halalan, tanging sina dating Bise Presidente Jojo Binay at si Senator Grace Poe lang ang mga sinamang-palad na ang mga nakaraang mga pangyayari at sikreto sa buhay ay sumailalim sa maselang pagsisiyasat ng mapanuring mata ng lipunan.