Ang kamay na bakal ni Pangulong Duterte

Kamakailan, araw ng Lunes, ika-18 ng Hulyo nang makipagkita at magbigay galang si Luis Antonio Cardinal Tagle kay Pangulong Duterte sa Malacañang. Sila’y nag-usap sa isang silid sa Malacañang, subalit walang detalyeng ibinunyag sa publiko kung ano ang kanilang napag-usapan.

Nauna nang magbigay-galang ang retiradong Arsobispo ng Cebu, si Ricardo Cardinal Vidal, kay Presidente Duterte sa Malacañang nuong ika-13 ng Hulyo ng taon ding ito,  subalit hindi ko alam kung maikli o matagal ang kanilang pag-uusap. Ayon kay Cardinal Vidal, si Pangulong Duterte ay “simpleng tao, madaling kausapin, hindi ka matatakot.”

Hindi ko lang matiyak sa mga katagang binitiwan ni Cardinal Vidal kung ito ay opinyon lang niya. Ang katagang “hindi ka matatakot” ang nakapangangambang marinig sa isang Cardinal na tulad niya. Sinabi ni Cardinal Vidal na tikom ang kanyang bibig na usisain si Duterte sa pamamaraan ng kanyang pamahalaan. Isa na rito ang ayaw niyang uriratin kay Duterte ang araw-araw na balita sa mga pahayagan — mga napapatay na mamamayang Pilipino na sangkot sa kasong “droga.” Ayon sa huling talaan ng mga nasawi ay 486 mula nuong buwan ng Mayo hanggang Hulyo ng taong ito. Ang biktima ng “summary execution” ay umabot na sa 44. Ang katagang “salvage” na walang awang pinatay, basta na lang  iniwan na patay,  itinapon sa basura,  inilagay sa sako, iniwang nakalutang sa kanal o sa ilog.

Ito ang mga mamamayang Pilipino na nasawi, hindi sa engkuentro sa awtoridad, kundi sinadyang patayin na wala nang tanong-tanong.   Karamihan sa kanila ay natutulog na dinampot sa kanilang mga bahay,  nasa huntahan, sa mga kasayahan,  at iba pang lugar.

Yung mga sinabi ni Cardinal Vidal na si Duterte ay “simpleng tao,  madaling kausapin,  at hindi ka matatakot” mukhang may kamalian. Baka ang ibig niyang sabihin ay “simpleng  pumatay ng tao, madaling pumatay ng tao,  hindi natatakot na pumatay ng tao”!

“War on Drugs”

Sa palagay ko ay walang binatbat ang “War on Drugs” sa Pilipinas kung ihahalintulad sa “War  on Drugs” sa Columbia na kung saan ang mga kasapi ng sindikato ng droga, na katulad ng pinamumunuan ni Pablo Escobar ang talagang dapat na gamitan ng kamay na bakal ng mga awtoridad. Walang sinasanto sina Escobar, mga gusali ang mga pinasasabog nito,  mga ordinaryong mamamayan, mga  kilalang pulitiko, at miembro ng hustisya ang mga pinagpapapatay ng mga ito. Sila ang mga kilabot na sindikato ng droga sa mundong ito.

Sa Pilipinas, hangad ko rin na maparusahan ang mga taong sangkot sa droga o iligal na gamot. Kung hinuhuli sila at nanlalaban, ayos lang kung sila ay mapatay. Kung sila ay tukoy na at nasa listahan na ng mga aarestuhin, dapat arestuhin na lang at ikulong ng walang piyansa. Itigil na ang pagpatay sa kanila nang walang patumangga at walang awa.

“I-salvage” sila sa tunay na kahulugan nito na “iligtas sila at isalba” ang kanilang mga buhay na nasa bingit ng panganib. Ito ang tunay na kahulugan ng “salvage.”

Sangayon ako sa nabalitaan ko na ibabalik na muli ang parusang kamatayan sa Pilipinas. Sa kasalukuyan na hindi pa ito naibabalik, at wala pang saligang batas tungkol dito, ang pagamit ng kamay na bakal ni Duterte sa mga kriminal na tulad ng mga ito ay hindi ayon sa batas at hindi makatarungan. Bilang pangulo,  kailangan ipag-utos na niya na itigil ang sistemang ito.

At sumasangayon ako kay Bise Presidente Leni Robredo na kailangang imbestigahan ang mga pinagpapatay na mga ‘kriminal’ mula nuong buwan ng Mayo hanggang Hulyo ng taong ito. Sana maimbestigahan din ang mga pinagpapatay na kriminal sa Davao City mula nuong maging Alkalde siya sa siyudad na ito.

Updated: 2016-08-06 — 18:49:35