Lumaki at umunlad ang siyudad ng Blacktown, sa nakaraang tatlumpong taon. Kasabay nito ang paglaki ng mga anak natin, at lalu na yung mga nauna sa atin na nakarating dito sa Australya. Ito ang siyudad na napili nating tirhan, napili na pamahayan sa loob ng maraming taon. Dito sa siyudad ng Blacktown. Samot- sari ang mga lahi ng mga mamamayan nito. Dito nagsiksikan ang kasalukuyang bilang ng mga mamamayan sa siyudad na ito ay humigit-kumulang na sa 340,000.
Sa lokal na halalan na nakatakda sa ika-10 ng Setyembre ng taong ito, ang isang malaking isyu na ipinaglalaban ng partido ng Labor ay mapanatiling BLACKTOWN ang pangalan ng ating siyudad at mapanatiling nakabukas ang Swimming Centre sa Mt. Druitt. Ito ay ipinasara ng Liberal nuong Marso 2013, nang sila ang liderato ng minorya sa konseho sa siyudad ng Blacktown. Ayon sa balita ay balak na ibenta itong swimming centre na ito sa pribadong sektor. Ang Mt. Druitt Swimming Centre ay muling napabuksan ng Labor nung taong 2014.
Ang isyu na palitan ang pangalan ng Blacktown ay pansamantalang natahimik. Tumanggap ito ng napakaraming batikos sa iba’t- ibang sektor ng lipunan dito sa siyudad ng Blacktown. Ang Tribung Darug na isa sa malalaking tribu ng mga naunang tao dito sa lugar na ito at sa kalakihang NSW ang galit na galit na nagsabing hindi man lang sila naabisuhan tungkol sa isyung ito.
Kaya may duda ako na kapag nanalo ang partido Liberal sa halalang lokal sa ika-10 ng buwan na ito, malamang na muling imungkahi na mapalitan ang pangalan ng siyudad. Ang unang mungkahi na “Whitlam City” ay bilang ala-ala kay Gough Whitlam na lider ng Labor na naging punong ministro ng Australya nuong 1972. Mukhang natabangan ang Liberal sa pangalang ito at dagliang nawala sa pinagpipilian. Walang duda dahil Labor si Whitlam na kalabang partido ng Liberal.
Ang matunog na ipinagpipilitang ipalit na pangalan ay “West Sydney City,” malapit na malapit sa tunog na “Western Sydney” at sabi nga ng karamihan, paano kung may nagtanong na kung taga saan ka, isa-sagot mo natural ay, taga “West Sydney City.” Pero saan nga ba rito, sa Penrith, sa Parramatta, Fairfield, Bankstown, Liverpool, blah, blah. Kahibangan ang hakbang na ito, na pagkakagastahan pa nang napakalaki. Sa isyung ito lumitaw ang pagka-“racist” ng mga Liberal. At marami nga na nagsasabing malaking Liberal. Ang hinala na ang may pakana nito ay wala ng iba kundi si konsehal Diaz at si Russ Dickens na dalawangpung taon na halos ang kagustuhan na mapalitan ang pangalan ng siyudad ng Blacktown. Si Konsehal Diaz naman ay matagal nang uhaw na maging ng Mayor ng Blacktown. Arogante at may kayabangan ang dating nito. Ang hindi ko malimot, ng binanggit niya sa isang pagtitipon bago halalan ng eleksyon sa estado ng NSW nuong nakaraang taon ay ganito: “kahit sinong ‘unggoy’ ang ilaban ng Labor sa kanya sa Mt. Druitt ay walang panalo.”
Buong akala ng marami na kakandidato siya sa Mt Druitt noon. Kung natuloy man, malamang na makulelat siya na nasa puwitan ng nanalong si Edmond Attala na isang MP na ngayon.
Sa huling paghaharap nila ni konsehal Stephen Bali nuong Setyembre 2015 sa eleksyon ng Mayor na ginanap sa konseho ng Blacktown, bukas balota, at hindi sikreto ang botohan na napagkasunduan.
Muling nanalo si Bali sa bilang na walong (8) boto, kontra sa nakuhang pitong (7) boto ni Diaz. Labin-limang (15) konsehal ang bumubuo ng konseho sa siyudad ng Blackrown. Pitong Labor (7), pitong Liberal (7) at isang Indipendyente na panig sa Liberal. Walang sanang talo si Diaz kung bumotong lahat ang Liberal sa kanya. Mukhang walang kumpiyansa sa kanya si Konsehal Jacque Donaldson na isa ring Liberal, kaya ibinigay ang boto nito sa panig ng Labor. Sa eleksyong naganap umiksena si Jess Diaz, nabalitaan ko lang ito, na pinagsigawan daw si Jacque Donaldson na “Hudas” na nag hudas sa kanya. Tutoo pala. Nasa “social media” na agad, na naka-video at napakasagwang panoorin.
Mailap ang tagumpay na mapasakamay niya ang maging Mayor ng siyudad, mismong kaalyado niya ay ayaw sa kanya.
Maraming magagandang bagay na nagawa na si Konsehal Mayor Steve Bali dito sa Siyudad ng Blacktown sa napaka-ikling panahon ng kanyang panunungkulan. Marapat lang sa palagay ko na maipagpatuloy niya ito. MAHAL KO ANG BLACKTOWN. Iboto natin ang Partido ng LABOR sa lokal na halalan sa Setyembre 10, 2016.