Ang nabigong pangarap ni Jess Diaz by Boy Galang

Nabigo na naman ang pangarap ni konsehal Jess Diaz na maging Alkalde ng lunsod ng Blacktown. Sinamang-palad ang Pinoy Liberal na makuha ang nakararami sa konseho nitong nagdaang halalan. Lima laban sa sampu ang naging puntos sa labanan na pabor sa partido ng Labor.

Tumatanda na siya at yaong pangarap niya na maging Alkalde ay lagi na lang napupurnada. Sa ikatlong pagkakataon, siya ay natalo na naman. Kung ipagpapatuloy niya ang kahibangang ito,  apat na taon na naman ang bibilangin niya bago  siya makasabak muli sa labanan dahil ang susunod na halalang lokal ay sa 2020 pa. Matanda na siya, otsenta anyos na ang idad niya at sa puntong ito, wala na siyang asim. Sa mukha pa lang niya,   matabang na siya.

Bago mag-eleksyong lokal — ito ay ayon sa mga nasagap kong balita, nag talaksan (stacking) siya ng mga kaibigang pinoy na ginastahan daw yata niya para maging kasapi ng partido Liberal dito sa estado ng NSW. Ang hakbang niyang ito ay bilang paghahanda sa nalalapit na halalan dito sa lunsod ng Blacktown.  At sa kanyang hangarin na itakbo ang kaanak at ilan sa malalapit niyang kaibigan sa gaganapin na “pre-selection contest” — ito ang tawag sa paraan ng pagpili sa magiging opisyal na kandidato para sa eleksyon Federal,  Estado,  at Lokal. Sa  mga purok (wards) 2, 3, at 4 siya naglagay ng kanyang mga hinirang na Pilipino para sa numero unong posisyon na maging opisyal na kandidato sa eleksyon sa konseho ng siyudad ng Blacktown. Anak niya si Jaymes sa purok 2, at ang malalapit na kaibigang pinoy na si Frederick Brillo sa purok 3, at si Linda Santos sa purok 4 na hindi naman taga Blacktown at hindi taga purok 4 at  walang kaalam-alam sa lugar na kanyang tatakbuhan.

Kasi nga, balita na kontrolado ni Jess ang apat sa pitong sangay  ng partido Liberal dito sa lunsod ng Blacktown kaya madali niyang namaniobra ang proseso sa pagpili ng magiging numero unong kandidato opisyal sa pagkakonsehal sa 4 na naturang purok dito sa Blacktown. Marami sa kapartido ni Jess Diaz ang hindi sang-ayon sa ginawa niyang ito. May ilang mga nasagasaan — hindi naman naospital pero, mukhang mga aatakihin sa puso.

Maraming mga kritikong maririnig galing sa iba’t-ibang panig ng mga magkakalabang partido — Liberal, Labor, mga Independiente, at mga taong taga Blacktown mismo. Maririnig pa nga na nagtayo na siya ng “Partido Pinoy Liberal.”

Ilan sa mga prominenteng kapartido na nasagasaan ay si konsehal  Karlo Siljeg sa purok 3, at si konsehala Isabelle White ng purok 4 na kasalukuyang mga miyembro ng konseho ng lunsod ng Blacktown.  Maganda rin naman ang pinakikitang pagganap sa tungkulin ng mga ito.  Nasagasaan sila sa ginawang hakbang na ito ni Jess Diaz. Ang talaksang miyembro na nasa bulsa niya ang naging daan sa pagkakatalsik ng mga ito.

Ang masidhing pangarap na maging mayor ng lunsod ng Blacktown ang nagtulak sa kanya na gawin ang hindi kanais-nais na pamamaraang katulad nito. Malaki kasi ang paniwala niya na makakatulong ito sa kanyang tagumpay na makamit sa halalan na naganap noong ika-10 ng Setyembre.  Itinatatwa niya na wala siyang pangarap na maging alkalde ng Blacktown,  ayon sa panayam sa kanya ng isang pahayagan. Subalit kung ibibigay daw sa kanya ang pagiging alkalde ay tatangapin niya ito. Sabi pa niya na magiging mabuti siyang alkalde dahil may maganda siyang plano na gagawin para sa siyudad ng Blacktown —  na ito ay maging pangunahing lunsod sa Sydney. Sa aking palagay, ito ay sa panaginip lang niya maaring maganap.

Maghintay siya sa taong 2020. Otsenta anyos na siya. Sabi ko nga — matanda na siya — matabang na matabang na! Kung buhay pa, may ibubuga pa kaya?

Updated: 2018-03-19 — 02:17:22