Kuro-kuro at Haka-haka ni Boy Galang

Lalong napasama ang masama ng pagkatao ni Duterte…

 

Hindi ko talagang lubusang maisip kung paano niyang napaniwala ang mga mamayang Pilipino na siya ang karapat-dapat na maging pangulo ng Pilipinas nuong nakaraang eleksyon. Hindi nasuring mabuti ng mga tao ang pagkatao niya dahil urong-sulong siya sa pagdeklara ng kanyang kandidatura sa pagka pangulo ng Pilipinas. Ultimo oras na, at mukhang hindi pa siya umabot sa itinakdang oras at araw ng Comelec sa pagpaparehistro ng kanyang kandidatura.

 

Nabalitaan ko, na may isa siyang kaibigan na isang kandidato rin na nakarehistro na sa pagkapangulo ang umatras para bigyan daan ang kandidatura ni Duterte sa pagkapangulo. Mukhang ito ay isang malinaw na taktika ng tagapamahala ng kampanya ni Duterte. Ito marahil ang dahilan para maiwasan ang masusing pagsusuri ng mga botante sa pagkatao ni Duterte.

 

Nalinlang ang mga tao, laluna ang mga taong botante ng Luzon.

 

Napagisip ko, na kung natulad lang siya kay VP Binay na ang “dungis” ng buhay ay nalantad sa mapanuring mata ng publiko bago maghalalan,  malamang na mag iiba ang resulta sa eleksyon.

 

Ang “dungis” ng buhay ni Binay ay likha ng mga kasong pandarambong na isinampa laban sa kanya sa senado. Napapanood ko sa telebisyon sa SBS Filipino News balita na pinalalabas tuwing umaga dito sa Australia.   Nasusubaybayan ko ang  mga tampok na balita kagaya ng pagdinig sa mga paratang na pandarambong sa kasong isinampa laban kay Binay. Dinidinig ang kasong ito ng senate “Blue Ribbon Committee” na pinamunuan ng tatlong senador na sina Alan Peter Cayetano, Coco Pimentel, at Antonio Trillanes. Ang “dungis” na ito ang naging mabigat na pasanin ni Binay sa kanyang kandidatura sa pagkapangulo ng Pilipinas at ito ang dahilan ng kanyang pagkabigo sa halalan noong 2016.

 

Balikan natin ang naging kalagayan ng tatlong senador sa kasalukuyan. Si Cayetano at si Pimentel ay nakakapit kay Duterte. Nakakapit sila na parang tuko. Bukod tanging si Trillanes lamang ang palaban at patuloy na sumusuway sa pamumuno ni Duterte. Patuloy ang pagbubunyag sa mga katiwalian at krimen ni Duterte. Patuloy ang pagpatay ng kanyang mga pulis sa mga mamamayang Pilipino na napaghihinalaang “drug addicts at pushers” sa pamamagitan ng hawak na baril at animo’y may hawak din na kalasag na may tatak  “war on drugs” niya. Maririnig mo nga sa usapan na walang parusang kamatayan sa Pilipinas subalit patuloy pa rin ang  pagpatay sa mga tao. Sabi nga nila, walang “parusang kamatayan” sa Pilipinas kaya’t yung mga taong pinagpapatay mula noong maging Mayor siya sa Davao at nagpatuloy nang maging pangulo siya ng Pilipinas ay dapat na panagutan niyang lahat. Sa bansang Amerika may parusang kamatayan,  Ang mga alagad ng batas ay walang karapatan na basta na lamang na pumatay…  

 

Walang  “statute of limitations” sa mga krimen gaya ng pagpatay  sa kapwa tao. Ang ibig sabihin nito, kahit daan taon ang nakalipas ay maari ka pa rin ipagsakdal sa salang pagpatay hangga’t ikaw ay buhay. Kaya ang  International Criminal Court  sa The Hague ay nakahanda siyang habulin sa mga kasong “murder at genocide” na isasampa laban kay Duterte ng mamamayang Pilipino. Hindi ka makakatakbo sa mga pagpatay na ginawa mo bilang Mayor ng Davao at Pangulo ng Pilipinas!

Updated: 2018-04-27 — 04:51:44