Kung may “tiririt” ng ibon, may “tiririt” din si Donald Trump.
Kaya lang ang pag “tiririt” ni Trump ay pawang kasinungalingan, kayabangan at kahambugan. Sa palagay ko lang naman, ang “tiririt” ng isang ibon ay tunay at makatotohanan at walang bahid-dungis na pagkukunwari, at ang mga ibon ay walang kamuwangan tungkol sa mga bagay na ganito.
Pinipilit din ni Donald Trump na masabing isa siyang matalinong Presidente, gustong niya na higitan sa karunungan ang mga naging pangulo nang nakaraang pamahalaan, tulad ni Bill Clinton, George Bush Jr., at Barack Obama.
Ayon kay Trump, bukod-tanging siya lamang ang nagsabi na ang Jerusalem ang karapat-dapat na maging kapitolyo ng Israel. Ang magiging bunga nito ay walang katapusan na alitan na naman sa pagitan ng Muslim at Kristiyano. Nangyari na ang kasaysayang ito nang kung ilang beses. Mga “Crusaders” at Templars” laban sa mga Muslim. Milyon-milyon na rin ang mga namatay sa alitang ito. Walang panalo dito. Diyos lang ang nakaaalam ng lahat.
Sa palagay ko, hindi napupuna ni Donald Trump na lagpas na siya sa linya ng kanyang ambisyon. Wala siyang kamuwang-muwang na ang mata ng mga tao sa mundo ay nakatuon sa kanya. Bukong-buko na siya sa mga kasinungalingan, sa kayabangan at sa kahambugan niya.
Pakikipagsabwatan sa mga Russo
Sa umpisa pa lang ng taon ng kanyang pamumuno bilang pangulo ng Amerika ay naharap na kaagad siya sa mga akusasyon laban sa kanya. Isa na rito yung usapin ng pakikipagsabwatan sa mga Russo nuong kumakampanya siya para maging pangulo ng Amerika.
Ito ang sentro ng masusing pagsisiyasat sa usaping ito, at masasabi ko na malawakan ang isinasagawang imbistigasyon ng bagong itinalagang pinuno ng “FBI” na si Robert Mueller kaya’t ang tawag sa grupo nito ay ” Robert Mueller Probe” na siyang bukod-tanging may karapatan na magsagawa ng ganitong uri ng pagsisiyasat sa aligasyong ito. Si “FBI Director” Robert Mueller ang naatasang pumalit kay dating “FBI Director” na si James Comey na sinibak sa tungkulin ni Donald Trump noong Mayo 2017. Nasa kalagitnaan si Comey ng pagsisiyasat nang itiwalag siya ni Trump. Inimbita yata siya sa isang hapunan, nang sabihan siya, na pabayaan na at itigil na ang pagsisiyasat sa mga tao na kabilang sa “campaign team ” niya (Trump) na hinihinalang sangkot sa pakikipagsabwatan sa mga Russo noong panahon ng kampanya para sa “Presidential Election” noong 2016.
Mukhang nabigo ang kahilingan niyang ito at agaran ang ginawang pagpapatalsik kay James Comey bilang “FBI Director”.
Ang pakikialam ng Russo sa eleksyon na kasabwat ang miyembro ng “campaign team” ni Trump ang malaking tulong sa kanyang tagumpay na mahalal na pangulo ng Amerika. Ngunit maaring ito rin ang maging dahilan na mabigo siya na makamit ang isang malinis at matagumpay na pamamahala sa bansang Amerika.
Ang pagsibak ni Trump kay James Comey sa tungkulin ang magsisilbing tinik sa dibdib ni Trump. Maari siyang makasuhan ng ” obstruction of justice” ━paghadlang na makamit ang katotohanan.Katotohanan na may pakikialam na ginawa ang Russo noong nakaraang halalan na may kinalaman siya, at ang “campaign team” niya sa sabwatang naganap. Kasong mabigat na pag may sapat na katibayan, ay masasampahan siya ng kasong “impeachment” na magiging malaking balakid sa kanyang panunungkulan bilang Pangulo ng Amerika.
Pinagpipilitan niya na wala raw pakikialam na ginawa ang Russo noong nakaraang eleksyon. Wala raw “collusion”, walang “collusion” ━ paulit-ulit. Wala raw sabwatang naganap. Ilan na sa miyembro ng “campaign team” niya ang umamin sa imbistigasyon na kasabwat nga raw sila ng mga Russo sa pakikialam nito noong nakaraang eleksyon 2016.
BUKO na, hirit pa rin ng hirit sa kanyang “tiririt”.