May kumikita ba sa MPC? Kuro-kuro ni Boy Galang

Dalawanpu’t walong taon na ang nakararaan mula ng ilunsad ang proyektong “MPC“ (Multi-Purpose Center) ng samahang Philippine Australian Community Foundation (PACF) na pinamumunuan ni ginoong Manny Villion.

Taong1990 noong ilunsad ito sa Rooty Hill dito sa siyudad ng Blacktown. Pinanghingi nila ito ng tulong sa mga Pinoy-Aussie dito sa siyudad na ito dahil sa pangako na ito ay para sa kapakanan ng mga Pinoy. Kaya nagkumahog ang mga iba’t-ibang grupo ng mga Pinoy sa pagtulong, mabilis at kaiga-igaya ang pagresponde at pagsagawa ng malawakang programa ng pangangalap ng pondo sa iba’t-ibang paraan ang mga tao para sa proyektong ito (MPC).

Nakapagpatayo agad ng isang maliit na gusali na siyang naging pansamantalang tanggapan ng pamunuan ng MPC. Natatandaan ko pa ang munting gusaling ito na maganda ━ may isang silid na may banyo, kusina na kumpleto sa gamit at sala, may kubetang pambabae at panlalake na stainless, malinis tignan.

Bakit biglang nahinto ang pagsulong, bakit?

Sabi nila, inabot daw ng “rezoning,” pero ang Templo ng Muslim na napakalaki na kaharap nito ay naipatayo kaagad. Maraming tao na ang nakapupuna na nabibinbin ang pag-unlad ng MPC at hindi ito matapos- tapos. Lumalaki raw ang utang at humina ang pangi-ngilak ng pondo.

Ang pamunuan ng PACF noong taon 2008 ay nagdesisyon na ibenta itong “MPC“ sa Rooty Hill kahit palugi sa halagang 700,000 dolyares.
At daw si ginoong Villon na ang humanap ng lugar na malilipatan.

Dito nagsimula ang tila paglalakbay ng MPC sa karagatan. Taong 2008 nang mapadpad ito sa No. 80 Grange Road sa Schofields NSW. Ito yung puwesto na binili nila sa halagang 1,100,000.00 dolyares. Ibinayad nila yung AUD700,000 ng pinagbilhan sa Rooty Hill, kaya abonado pa sila ng AUD400,000 na ipinangutang nila. Naging abala na naman sila sa pagpaplano, kung paano mai-isa ayos ito para mag mukha itong MPC na mapaggagamitan ng iba’t-ibang okasyon ng pagtitipon.

Malawakang programa na naman ng pangangalap ng pondo ang isinagawa. Kaya lang, naging matabang ang pagtanggap ng mga grupong Pinoy sa panawagang ito. Dahil marahil na halos lahat ng mga Pinoy dito sa Blacktown ay naniniwalang mali ang naging pasiya ng pamunuhan ng MPC nang bilhin ang puwesto sa Schofields. Lalong tumibay ang sapantahang ito nang bumagyo, nang umulan ng malakas. Dalawang beses na bumuhos ang malakas na ulan sa Schofields.

Tinamaan mismo yung hilera ng lugar sa Grange Road. Kasama ang MPC sa mga nasalanta nang magbaha dito. Animo’y naging karagatan na naging dahilan ng paglalayag nito upang maghanap ng panibagong madadaungan. Hindi naman sila minalas. Pinalad pa nga sila dahil sa pagtaas ng halaga ng mga lupain sa Schofields area. Hulyo 17, 2015 ng ibenta ang MPC Schofields sa halagang AUD2,500,000.

Sa pamamagitan ng natirang pondong pinagbilhan sa MPC Schofields, may nakitang madadaungan na lugar, sa No. 50 Forge St., Blacktown na agarang binili sa halagang AUD1,290,000.00. Ang lupa na may sukat na 1,279 metro kuwadrado, may gusali, may tanggapan, may banyo, may paradahan ng sasakyan. Dating “smash repair shop” o pagawaan ng mga sirang sasakyan ito kaya nasa “Industrial Area.” Isang puwesto na may mga batas na dapat sundin. Ordinansang pinatutupad ng Blacktown City Council na mahigpit sa mga may-ari ng mga gusali sa lugar na ito.

Marami ang nakabalita na hindi maaring gamitin MPC sa Blacktown. Sa kasalukuyan, marami rin ang nagtatanong kung ano ang dahilan.

Pagkatapos ng kwentahan sa bentahan at bilihan, may natirang kinita ang MPC ng halagang AUD810,000. Nakapag-aalala lang, na nagiging “business venture” o negosyo na ito. Nakakabahala at may balita na may nakakatanggap ng “commission” sa mga transaksyon na ganito.

Updated: 2018-06-29 — 02:28:57