Ano ang naganap sa Helsinki, Finland?
Si Donald Trump at si Vladimir Putin sa rurok ng pagpupulong na naganap sa Helsinki. Ang pag-uusap ay naganap sa palasyo ng Finland sa paanyaya ni Pangulong Sauli Niinisto na siyang rin naging punong-abala sa okasyong ito. Para lang sa kanilang dalawa ang pagpupulong.
Maton sa Maton: Parehong sinungaling! Isang sinungaling na beteranong maton si Putin na ayaw nang bumitiw sa natamong kapangyarihan. At isang maton na nuno ng kasinungalingan na nagmamarunong na si Trump na ayon sa balita ay nagkamal ng salapi nang siya ay apat na beses na nagdeklara na bankarota sa kanyang negosyo. Apat na beses!
Kung paghahambingin ang dalawa, walang binatbat si Trump. Sisiw pa lang siya kumpara kay Putin na tila isang mabangis na hayop na maninila.
Ayon sa balita, malaki ang naitulong ni Putin at kanyang mga alipores, sa natamong tagumpay ni Trump sa halalan sa pagkapangulo ng Amerika noong taong 2016. Ang pakikialam ng mga Russo sa halalan sa Amerika ang laman ng balita sa mga pahayagan, sa telebisyon, at sa “social media.” Ang isyung ito ang naging mainit na tema ng usapan sa apat na sulok ng mundo, ang pakikialam ng Russo, at ang pakikipagsabwatan ng grupo ni Trump sa mga ito.
Isang komite ang binuo na kinabibilangan ng magkabilang panig na partido na “Reps at Dems” sa kongreso para magsagawa ng masusing pagsisiyat tungkol sa napabalitang sabwatan at pakikialam ng Russo sa nakaraang halalan sa Amerika, ang nakatalagang punong nangangasiwa sa kasalukuyan ay si FBI Director Robert Mueller na humalili kay dating FBI Director na si James Comey na sinibak sa tungkulin ni Trump noong nakaraang taon 2017.
Sa kasalukuyan, sa nagaganap na pagsisiyasat ng grupo ni Mueller, sa mga ebidensiyang nakalap nito, sa mga taong napadalhan ng sobpoena at naimbestigahan na halos mga tao ni Trump, at mga Russo na karamihan ay kawani sa embahada ng Russia. Karamihan sa mga taong ito ay umamin na at nakasuhan na.
Sa mga pangyayaring ito, lumitaw na tunay na nakialam ang mga Russo at nakipagsabwatan ang grupo ni Trump sa mga ito.
Lumalalim ang paghuhukay at pagsisiyasat, at lumilitaw ang haba ng hanay ng mga nahahalungkat na mga ebidensiya na may kinalaman sa usaping ito. Mukhang may mga tao pang mapapadalhan ng sobpoena na iimbestigahan sa kasong ito.
Sa palagay ko, sa mga darating na araw, ang direksyon ng pagsisiyasat ay patungo na kay Donald Trump ━ si Trump na sa simula pa lang ay paulit-ulit na nagsabing walang sabwatan, at hindi nakialam ang Russo sa naganap na halalan na pinanalunan niya.
Mukhang mahihirapan na si Trump sa balak niyang ipahinto ang pagsisiyasat na isinasagawa ni Mueller. Marami sa kapartido niya na nagsasabing huwag humadlang sa ginagawang pagsisiyasat ni Mueller at pabayaan na lumitaw ang katotohanan. Malamang na sa darating na mga araw ay mapapadalhan ng sobpoena si Trump at hihilingin na dalhin ang “Tax Return” na magpahangga ngayon ay nakatago at ayaw ipakita.
Balikan natin ang panayam ng media na naganap sa Finland kung saan itinanggi ni Putin na nakialam sila sa halalan sa Amerika noong 2016.
Sinuportahan ni Trump si Putin sa pagtatwa nito, na wala siyang makitang dahilan ang Russia na makialam sa eleksyon, kahit napagsabihan na siya ng kanyang “Director of National Intelligence” na si Dan Coats at nagsabi na maliwanag na lumalabas sa pagsisiyasat ni FBI Director Mueller na may katunayan ang mga paratang na nakialam ang Russia noong halalan 2016.
Sa “press conference,” ipinakita ni Trump sa mundo ang suporta niya kay Putin nang sabihin niya na “hangal ang mga Amerikano,” at naniniwala siya kay Putin sa matigas na pagtanggi nito sa pakikialam ng Russia sa eleksyon 2016. Kitang-kita ng mundo ang pagkukunwari ng dalawang ito. Mukhang naibenta na ni Trump ang sarili kay PUTIN, mukhang hawak na siya ni PUTIN kung saan man.
MUKHANG MAY PINANGHAHAWAKAN SI PUTIN LABAN KAY TRUMP!